NANINIWALA ang pamunuan ng Philippine National Police na ang paglantad ng dalawang itinuturing na missing link ay magpapalakas sa kasong isinampa sa itinuturing na mastermind sa likod ng missing sabungero case.
Ayon sa PNP, ang testimonya ni whistleblower Julie Patidongan at ng kanyang dalawang kapatid ay magagamit para palakasin ang kasong inihain sa umano’y utak sa likod ng mga nawawalang sabungero at sa mga kasabwat nito.
Nitong Huwebes, inihayag ng Department of Justice ang pagsasampa ng murder and serious illegal detention complaints laban sa negosyanteng si Charlie “Atong” Ang at iba pa kaugnay sa kaso ng missing sabungeros.
Kabilang sa mga naghain si Ryan Bautista, kapatid ng nawawalang sabungero na si Michael Bautista.
Kasama ni Bautista sa DOJ ang ilang mga opisyal ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group.
Dumating din sa DOJ si Philippine National Police chief, General Nicolas Torre III subalit hindi ito nagbigay ng komento at ipinaubaya na lamang ito kay Justice Secretary Crispin Remulla.
“No statement on missing sabungeros, si SOJ iyan,” ani Torre.
Magugunitang mariing itinanggi ni Atong Ang ang akusasyon dahil pera pera lamang umano ang puno’t dulo nito at lalabas din ang katotohanan.
Umaasa ang PNP na ilalantad ng dalawang kapatid ni Patidongan ang kanilang nalalaman at naging partisipasyon sa pagkawala ng 34 na sabungero at sino ang utak sa likod nito.
“Itong dalawang tao na hawak natin ngayon ang makakapagpatunay doon sa sinasabi ni Julie Patidongan doon sa mga una niyang interview na ‘di umano ay kanyang mga tauhan na may kinalaman at least dito sa dalawang kaso ng mga nawawalang sabungero,” ani PBGen. Jean Fajardo, PNP spokesperson, sa isang radio interview.
Inaasahan umano nila na susuportahan ng testimonya ng dalawang magkapatid na dinakip sa ibang bansa sa Asya, ang naunang pahayag ni Patidongan o alyas “Totoy”.
Magugunitang pinangalanan ni Julie si businessman Charlie “Atong” Ang, ang actress na si Gretchen Barretto at 15 police officers sa kaso ng missing sabungeros.
(JESSE RUIZ)
