KINILALA na ng CALABARZON Police ang dalawang napatay sa barilan sa pagitan ng mga operatiba ng NCRPO RID-ANCAR at umano’y mga miyembro ng notorious robbery holdup group sa SLEX noong Huwebes ng hapon.
Batay sa report ng PRO 4A CALABARZON, ang mga napatay ay sina George Laparan, alyas “Sarge,” tubong Lian, Batangas at residente ng CAA Compound, Las Piñas City, at isang Raquel Cayetano, alyas “Totie”.
Ang mga ito ang sakay ng puting Toyota Hi-Ace van na may plate no. WQT 786, na hinabol ng mga awtoridad sa southbound lane ng SLEX at napatay sa engkwentro sa bahagi ng Silangan Exit sa Calamba City, Laguna.
Nakuha sa mga ito ang dalawang Taurus caliber 40 na baril na ang isa ay nakalisensya kay Laparan.
Nakuha rin sa van ang P1,360,452.25 halaga ng salapi na nakabalot sa plastic na may markang Chinese character na “OKADA”.
Pinaniniwalaang ang mga suspek ay miyembro ng notorious robbery group at sangkot din sa kidnapping na ang binibiktima ay Chinese nationals na empleyado ng POGO.
Samantala, itinanggi naman ng national president ng samahang Fraternal Order of Eagles-Philippine Eagles na miyembro nila ang dalawang suspek.
Iniimbestigahan na rin ng naturang organisasyon kung bakit nakasuot at kung saan nakabili ng T-shirt ng Eagles club ang dalawa na eksklusibo umano sa mga miyembro ng club. (NILOU DEL CARMEN)
205 