PATULOY ang search-and-rescue operation ng Jomalig Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at Philippine Coast Guard (PCG) para mahanap ang pitong tripulanteng nawawala matapos lumubog ang isang cargo vessel sa karagatan ng Jomalig, Quezon nitong Miyerkules.
Ayon sa Quezon Police Provincial Office, agad silang nakipag-ugnayan sa MDRRMO at PCG substation sa Jomalig upang ilunsad ang operasyon matapos makatanggap ng ulat hinggil sa insidente.
Batay sa paunang impormasyon, lumubog ang MV AC habang naglalayag mula Jomalig patungong Atimonan bandang alas-3:00 ng madaling araw.
May kargang copra ang cargo vessel nang makasagupa umano ito ng magkakasunod na malalaking alon na naging dahilan ng pagtaob at paglubog nito.
Ang insidente ay ipinaalam umano sa mga awtoridad ng asawa ng 62-anyos na kapitan ng barko.
Hanggang Huwebes ay nagpapatuloy ang paghahanap sa pitong nawawalang tripulante.
(JESSE RUIZ)
29 