TAGAYTAY CITY – Kapwa wala nang buhay nang natagpuan sa loob ng poso negro ang dalawang lalaki na hinihinalang hindi na nakaahon at tuluyang nalunod nang ma-suffocate nitong Huwebes ng madaling araw.
Pinaniniwalaang may ilang oras nang patay ang mga biktimang sina Julius M. Bitoon, 40, at Jhon Mar Agaton y Avellada, 31, kapwa residente ng Brgy. San Francisco Gen. Trias City, Cavite.
Ayon sa ulat, dakong ala-1:30 ng madaling araw nang nakatanggap ng tawag ang Tagaytay CPS hinggil sa dalawa katao na nakitang patay sa loob ng isang poso negro sa Balay Dako Restaurant sa Brgy. Silang Crossing, Tagaytay City.
Nabatid sa imbestigasyon, habang sinisipsip ang poso negro nang mahirapan sa paghinga si Bitoon kaya humingi ito ng tulong kay Agaton.
Tinulungan naman ni Agaton ang kasama subalit kapwa sila nahirapang huminga at tuluyang nalunod.
(SIGFRED ADSUARA)
