MASBATE – Patuloy pang tinutunton ng mga pulis at militar ang sinasabing mga responsable sa pagpapasabog ng improvised explosive device (IED) na ikinamatay ng dalawa katao at ikinasugat ng limang iba pa kamakailan sa Barangay Del Carmen, sa bayan ng Uson sa lalawigang ito.
Ayon sa ulat, isang IED ang ipinukol sa madilim na bahagi ng kalsada ng nasabing barangay bandang alas-9:40 ng gabi.
Sinabi ng Uson Municipal Police, dalawa katao ang namatay kabilang ang isang motorcycle rider na halos nadurog ang binti sa lakas ng pagsabog.
Kinumpirma naman ng 9th Infantry Division ng Philippine Army na kabilang sa limang nasugatan ang isang kasapi ng CAFGU Active Auxiliary (CAA) na napadaan lamang sa lugar.
Kinukumpirma ng Army 9th ID ang kanilang nakalap na intelligence report na mga miyembro ng New People’s Army (NPA) ang responsable sa insidente.
Mariing kinondena ng pamunuan ng Philippine Army ang muling paggamit ng rebeldeng grupo ng anti-personnel mine na malinaw na paglabag sa Geneva Convention at International Human Rights Law.
“To the Masbateños, we are now conducting an extensive follow-up operation together with our counterpart from the PNP. Hindi kami titigil hangga’t hindi napapanagot ang mga teroristang gumawa ng ganitong kalunos-lunos na krimen,” pagtiyak naman ni MGen. Henry Robinson, commanding general ng 9ID sa kanilang nasasakupan.
Inutos ni MGen. Robinson na lalo pang higpitan ng 903rd Infantry Brigade ang seguridad sa Uson kasabay ang patuloy na paalala sa komunidad na maging alerto sa posibleng mga pag-atakeng muli ng mga rebelde matapos nilang ideklarang persona non-grata ang CPP-NPA sa kanilang bayan.
“Sa ganitong mga paraan sila bumabawi para ipakita nilang malakas pa sila ngunit ang totoo natatakot na sila sa epekto ng mga programang inilulunsad ng pamahalaan na nagiging daan para patuloy na magbalik-loob sa gobyerno ang kanilang mga miyembro,” ani Col. Aldwine Almase, brigade commander ng 903rd Brigade ng 9ID, Philippine Army. (JESSE KABEL)
157 