2 PATAY, ISA KRITIKAL SA MOTORCYCLE ACCIDENT

SOUTH COTABATO – Patay ang dalawang rider habang isa pa ang nasa kritikal na kondisyon kasunod ng nangyaring aksidente sa motorsiklo dakong alas-4 ng madaling araw nitong nakalipas na linggo sa Purok Ilang-Ilang, Barangay Saravia, Lungsod ng Koronadal sa lalawigan.

Base sa ibinahaging accident report ng Koronadal City PNP Traffic Division, wala pang pagkakakilanlan ang mga biktima.

Lumilitaw sa inisyal na imbestigasyon, galing umano sa sentro ng Koronadal ang tatlo at nakisaya sa selebrasyon ng ika-26 T’nalak Festival at ika-59 Founding Anniversary ng South Cotabato.

Pauwi na ang mga ito ngunit habang patungo sa direksyon ng Tupi o Polomolok nang bigla umanong lumihis sa kanan ang sinasakyan nilang motorsiklo at nahulog sa kanal.

Natagpuan sa isa sa mga biktima ang isang ID na nakapangalan kay Morsid Kamir, residente ng Glamang, Polomolok, South Cotabato.

Gayunman, hindi pa matiyak kung siya ang nasa kritikal na kondisyon o kabilang sa mga nasawi. Bunsod ng labis na pinsala sa katawan at mukha ay hindi na makikilala ang mga nasawi.

Kasalukuyang nasa morgue ng South Cotabato Provincial Hospital ang dalawang biktimang namatay sa insidente, habang patuloy namang nilalapatan ng lunas sa parehong ospital ang isa pang biktima na nasa kritikal na kondisyon.

Kasalukuyang inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga sangkot sa sakuna.

(JESSE RUIZ)

25

Related posts

Leave a Comment