2 PATAY SA MOTORCYCLE CRASH SA BATANGAS

BATANGAS – Patay ang isang pulis at ang isa pang rider sa dalawang magkahiwalay na aksidente sa motorsiklo sa mga bayan ng Taal at Calaca sa lalawigang ito, noong Biyernes ng gabi.

Dead on arrival sa ospital ang pulis na kinilalang si PCMS Simeon De Leon, nakatalaga sa Taal Municipal Police Station, matapos makasalpukan ng kanyang motorsiklo ang kasalubong na isa ring motorsiklo na minamaneho ng 27-anyos na si Jeremy Agno, sa national road sa Brgy. Tulo, Taal dakong alas-6:40 ng gabi.

Parehong isinugod sa Batangas Provincial Hospital sa Lemery ang dalawa subalit hindi umabot nang buhay ang pulis.

Samantala, dead on arrival din sa ospital ang rider na si Darwin Bautista, taga Brgy. Balibago, Lian Batangas, habang kritikal ang kondisyon ng backrider nito na si Mary Magdalene Buño, nang ang kanilang sinasakyang motorsiklo ay sumalpok sa tagiliran ng truck na minamaneho ng 70-anyos na si Agripino Pagkaliwangan, sa National Highway, Brgy. Pantay, City of Calaca, pasado alas-3:00 ng madaling araw noong Sabado.

Ayon sa report magkasalubong ang dalawang sasakyan nang biglang lumiko pakaliwa patawid sa highway ang truck patungo sa isang gas station, kaya sumalpok dito ang motorsiklo.

Isinugod ng nagrespondeng mga tauhan ng MDRRMO ang magkaangkas sa Ospital ng Calaca subalit hindi umabot nang buhay ang driver, habang inirekomenda ng doktor na ilipat sa ICU sa ibang ospital ang backrider na babae dahil sa maselan nitong kalagayan.

(NILOU DEL CARMEN)

527

Related posts

Leave a Comment