4 PATAY SA RATRAT SA PIYESTA SA ISABELA

PATAY ang apat na indibidwal makaraang pagbabarilin ng mga armadong kalalakihan habang nagdiriwang ng pista sa San Rafael Abajo, Sto. Tomas, Isabela.

Ayon sa ulat na nakarating sa Kampo Crame, kabilang sa mga napatay sina Brgy. Captain Jimmy Paeste at PCorporal Frederick Bautista na nakatalaga sa Sto. Tomas MPS, at dalawang iba pa.

Lumitaw sa isinagawang imbestigasyon, habang nakaupo ang mga biktima dakong alas-7:50 ng gabi, bigla na lamang silang pinaulanan ng bala ng hindi pa kilalang mga armadong kalalakihan.

Ang mga biktima ay pawang may mga tama ng bala sa kanilang katawan na naging dahilan ng kanilang kamatayan.

Patuloy namang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang iba pang mga sugatan sa pamamaril.

Isa sa tinitingnang mga anggulo ng mga awtoridad ay posibleng ganti sa naunang isinagawang hot pursuit operation ng Sto. Tomas Police at Delfin Albano Police na ikinasawi ng umano’y lider ng Magsanoc criminal group at pagkakaaresto sa dalawa nitong kasamahan.

Samantala, kinondena ng Local Government Unit ng Sto. Tomas ang insidente at tiniyak ang agarang ayuda at suporta sa pamilya ng mga biktima habang nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon para matukoy at maaresto ang mga suspek.

(TOTO NABAJA)

69

Related posts

Leave a Comment