NADAKIP na ng mga awtoridad ng Pasay City Police nitong Huwebes, sa Bacoor City, Cavite, ang isa pang miyembro ng “Salisi Gang” na bumiktima kay Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia at nagnakaw ng kanyang bag habang kumakain ng tanghalian sa isang restaurant sa Pasay City.
Kinilala ni Pasay City Police Chief Col. Joselito De Sesto ang suspek na si Rowel Tengson, alyas Romson Magalpoc, 41, na nadakip dakong alas-5:00 ng hapon sa Molino Road, Barangay Molino VI, Bacoor, Cavite.
Sinabi ni De Sesto na ang pagdakip kay Magalpoc ay ginawa kasunod ng tip na ibinigay ng isang impormante na siya ay nagtatago sa Molino, Bacoor, Cavite.
Aniya, positibong kinilala si Magalpoc ng isang waitress ng Singing Cooks and Waiters Atbp Restaurant bilang isa sa mga miyembro ng Salisi Gang na kumuha ng bag ni Garcia na naglalaman ng cash, cellular phone, at iba’t ibang identification card, na inilagay sa tabi ng upuan ng biktima.
Sinabi ng hepe ng pulisya ng lungsod na unang nahulog sa kanilang hot pursuit operation sa walong miyembro ng “Salisi Gang” si Hazel, 44, na naaresto sa Las Pinas noong Agosto 20. Si Hazel ang nagsilbing lookout ng grupo.
Sinabi ng pulisya na kumain si Garcia at ang kanyang grupo sa ikalawang palapag ng Singing Cooks and Waiters Atbp Restaurant matapos dumalo sa pagdinig ng Senado tungkol sa anti-political dynasty noong Agosto 19, nang mangyari ang insidente.
(CHAI JULIAN)
131 