BATANGAS – Dalawa ang patay sa magkahiwalay na kaso ng pamamaril sa mga bayan ng San Juan at Calatagan sa lalawigang ito, noong Huwebes.
Ayon sa report ng Batangas PNP, nadiskubre ang bangkay ng 38-anyos na security guard na si Vicente Tabora Jr., 38, habang nakabulagta sa loob ng gate ng Estancia San Carlo D’ Arona Inc. farm sa Sityo Puting Buhangin sa Brgy. Paraiso, Calatagan, Batangas dakong alas-6:00 ng umaga.
Ang biktima ay may tama ng bala sa ulo at balikat. Inaalam pa ng mga awtoridad ang posibleng suspek sa krimen.
Samantala, sa Barangay Puting Buhangin, San Juan, Batangas, patay rin sa pamamaril ang biktimang si Jesus Ejolen.
Ayon sa imbestigasyon ng San Juan Police, natutulog ang biktima sa kanyang kubo nang ilang beses itong pagbabarilin ng kanyang kabarangay na si Edwin de Torres dakong alas-4:30 ng hapon.
Naisugod pa sa ospital ang biktima subalit ideneklara ng dead on arrival.
Nagsasagawa ng manhunt operation ang San Juan Police laban sa suspek. (NILOU DEL CARMEN)
252 