2 wanted sa Taiwan nagnenegosyo sa Pinas MICHAEL YANG PIPIGAIN SA SENADO

PAGPAPALIWANAGIN sa Senado si dating presidential economic adviser Michael Yang at ang mga opisyal ng Pharmally, ang kumpanyang ginawaran ng gobyerno ng bilyun-bilyong halaga ng kontrata para sa umano’y overpriced na COVID-19 supplies.

Pahayag ito ni Sen. Risa Hontiveros kasabay ng pagtiyak na tuloy ang Senate Blue Ribbon Committee investigation ukol sa umano’y maanomalyang pagbili ng pandemic supplies ng pamahalaan.

“Unang-una, bakit nakikipagnegosyo ang ating bansa sa mga taong ito na may warrants of arrest pa nga sa ibang bansa?” aniya sa panayam sa Teleradyo nitong Huwebes.

“Kumbaga there’s more to this story kesa sa gustong ipapaniwala ng ating Presidente. May warrant of arrest eh,” litanya pa ng senador.

Samantala, lubhang nagulantang ang Palasyo sa isiniwalat ng mambabatas kaugnay ng tunay na pagkatao ng mga negosyanteng nasa likod ng maanomalyang pagbili ng medical supplies para sa mga frontliner nito lamang nakaraang taon.

Ayon kay Hontiveros, pawang wanted sa bansang China ang mga negosyante sa likod ng Pharmally Pharmaceutical Corporation na una nang naiulat na mayroon lamang paid-up capital na nagkakahalaga ng P625,000, batay na rin sa dokumentong nakalap mula sa Securities and Exchange Commission (SEC).

Ani Hontiveros, naging bentahe ng mga kapitalista sa likod ng Pharmally ang kaugnayan nito kay Pangulong Duterte para makuha ang dalawang pinakamalaking kontrata mula sa Procurement Services Office na noo’y pinamumunuan ni dating Budget Undersecretary Lloyd Christopher Lao.

Aniya, tumataginting na P8.7M halaga ng kontrata ang nasungkit ng kompanyang pinamumunuan ni Huang Tzu Yen bilang Chief Executive Officer at amang si Huang Wen-Lai bilang chairman of the board, na kapwa may mga warrant of arrest kaugnay ng kasong kriminal na isinampa laban sa kanila ng gobyerno ng Taiwan.

Kabilang sa kanilang kinakaharap na kaso ay pandarambong, pandaraya at manipulasyon.

Paliwanag ng senador, naging tulay ng mga nasabing wanted na personalidad si dating Presidential Adviser Michael Yang. Aniya, si Yang mismo ang nagpakilala kay Huang sa Pangulong Duterte noong Marso 2017.

“Bakit nakikipag-transaksyon ang gobyerno sa mga pinaghahanap ng batas?,” ani Hontiveros, kasabay ng alegasyong pawang mga kaduda-duda ang personalidad sa likod ng Pharmally.

“Pharmally seems to be a breeding ground of criminals. Why are we doing business with people who are the subject of a warrant of arrest?” dagdag pa ng senador.

Bukod sa P8.7-bilyong kontrata noong nakaraang taon, mayroon pa rin aniyang panibagong kontrata ang nasungkit ng Pharmally nito lamang nakaraang Hunyo.

Hindi rin nakalusot kay Hontiveros ang isa pang opisyal ng Pharmally na si Zheng Bingqiang na aniya’y wanted din sa kaparehong asunto. Ani Hontiveros, si Zheng ang dummy ni Michael Yang sa kumpanyang Pharmally. (FERNAN ANGELES)

279

Related posts

Leave a Comment