TABLADO ang mga senior citizen kapag bumili sa pamamagitan ng internet o online dahil hindi ibinibigay sa mga ito ang kanilang 20% discount.
Maging sa People With Disabilities (PWDs) na binigyan din ng 20% discount privilege bilang tulong sa mga ito ay hindi nakukuha ang nasabing pribilehiyo sa kanilang online purchase.
Ito ang nabatid kay House committee on social services chairman Rep. Alfred Vargas kaya inihain nito ang House Resolution (HR) 1880 para magkaroon ng malinaw na panuntunan sa pagpapatupad ng mga discount law ng mga senior citizen at PWDs.
“With the lack of clear guidelines from implementing agencies regarding the special discounts on online transactions, millions of Filipino senior citizens and persons with disabilities are unable to avail of the privileges that they rightfully deserve under the law,” ayon sa resolusyon ng mambabatas.
Mula nang magpatupad ng community quarantine, hindi na pinalalabas ang mga senior citizen kaya sa online na lamang sila bumibili ng kanilang mga pangangailangan tulad ng gamot at pagkain.
Gayunpaman, hindi umano binibigyan ng discount ang mga ito kahit sabihin pa ng mga ito na sila ay senior citizen o PWD dahil kailangan ipresenta ng mga ito nang personal ang kanilang ID.
“The Expanded Senior Citizens Act and the Magna Carta for Persons with Disabilities do not make any distinction on the applicability of its privileges and special discounts between offline and online transactions, and must thus be interpreted to be available for online purchases,” ani Vargas.
Dahil dito, kailangang itama umano ang batas na ito at isama ang online purchasing ng mga senior citizen at PDWs sa discount lalo na ngayon wala pang kasiguraduhan kung kailan makalalabas ang mga ito para bumili ng kanilang mga personal na pangangailangan.
May pandemya man aniya o wala, dapat maibigay sa mga nabanggit na sektor ng lipunan ang kanilang pribilehiyo na nakasaad sa mga nabanggit na batas. (BERNARD TAGUINOD)
204
