20 NADAGDAG SA CAMANAVA COVID DEATHS

UMABOT sa 20 katao ang naitalang bagong namatay sa COVID-19 sa CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela) area noong Mayo 10, ayon sa city health offices ng nasabing mga lungsod.

Napag-alaman, walo ang bagong namatay sa Valenzuela City at 608 ang active cases matapos na 589 ang gumaling at 134 ang nagpositibo sa virus.

Pumalo na sa 18,364 ang confirmed cases sa siyudad, kung saan 17,291 na ang gumaling at 465 ang namatay.

Pito naman ang patay sa Caloocan City at 1,318 ang active cases. Sumampa na sa 28,353 ang confirmed cases sa siyudad at sa nasabing bilang ay 26,222 na ang gumaling at 813 ang namatay.

Habang tatlo ang namatay sa Navotas City at 246 ang active cases makaraang 19 ang gumaling at apat ang nagpositibo.

Umakyat na sa 10,620 ang mga tinamaan ng COVID sa siyudad at sa nasabing bilang ay 10,030 na ang gumaling at 344 ang namatay.

Samantala, noong Mayo 10 ay nakumpleto ni Mayor Toby Tiangco ang kanyang COVID-19 vaccination matapos turukan ng ikalawang doses ng CoronaVac sa Jose Academy.

Patuloy ang panghihikayat ng alkalde sa nasasakupan na lumahok sa vaccination program at binigyang-diin ang halaga ng ikalawang doses at pagiging fully vaccinated bilang proteksyon sa coronavirus.

Pumanhik naman sa 418 ang COVID death toll ng Malabon City matapos na dalawang pasyente ang namatay. Habang 45 ang nadagdag na confirmed cases at 12,616 ang positive cases. Sa bilang na ito ay 303 ang active cases.

Umabot naman sa 56 pasyente ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling. Sa kabuuan ay 11,895 ang recovered patients ng Malabon. (ALAIN AJERO)

98

Related posts

Leave a Comment