2021 PH Tokyo Olympic delegation, pinakamatagumpay

NOONG Sabado, walong araw bago ibaba ang telon ng XXXII Games of the Olympiad sa Tokyo, nalampasan na ng pambansang delegasyon ang 89 taong historic medal win noong 1932.

Ang 64 na bilang ng atleta at 25 opisyal na nagdala ng ating bandila sa Xth Summer Games ay nakapag-uwi ng tatlong medalyang tanso (bronze) kung kaya’t kinilala silang pinakamatagumpay sa tuwing ika-apat na taong paligsahan, simula nang sumali ang Pilipinas noong 1924 sa Paris.

Maganda ang simula ng 19 atletang Pinoy sa Tokyo Games nang mapanalunan ni weightlifter Hidilyn Diaz ang ginto sa 55 kilong dibisyon.

Noong Sabado naman ay lumapit din sa gold medal ang ating boksingera sa featherweight na si Nesthy Petecio nang supilin ang nakasagupang si Irma Testa ng Italya sa semifinal round para ­tuluyang umusad sa finals.

Kung matatalo, medalyang pilak (silver) ang maibubulsa ng 29 taong gulang na tubong Sta. Cruz, Davao del Sur na si Petecio. Subalit kung mananalo laban kay Sena Irie ng Japan, maiuuwi niya ang ikalawang ginto ng Pilipinas mula sa Olympics.

Samantala, dahil sa ikalawang stoppage win ni Eumir Marcial sa quarterfinals ng men’s middleweight, sigurado na siya sa medalyang tanso (bronze), bukod sa pasok na siya sa semis na isang hakbang na lang patungo sa posibleng ikatlong ginto ng bansa.

Unang pinatulog ni Marcial si Younes Nemouchi ng Algeria sa Round of 16 noong Huwebes. Sinunod niya si Arman Dachinyan ng Armenia sa quarterfinals kahapon (Linggo) para umusad sa semifinals.

Isa pang bronze medal ang posibleng mabitbit ni flyweight Carlo Paalam kung ­mapagtatagumpayan ang quarterfinal ng 112 division.

Bukod dito, may inaasahan pa ang bansa na ilan pang medalya mula sa athletics (pole vaulter Ernest John Obiena), golf (Yuka Saso at Bianca Pagdanganan) at (gymnastics) Carlos Yulo.

Kaya masasabing ngayon pa lang ay nahigitan na ng 19 atletang Pinoy sa Tokyo ang tatlong bronze medals ng Pilipinas noong 1932 edition nina swimmer Teofilo Yldefonso, high-jumper Simeon Toribio at boksingerong si Jose “Cely” Villanueva, ama ng kauna-unahang Pilipinong nakapag-uwi ng silver medal sa kada apat na taong Palaro.

131

Related posts

Leave a Comment