SIMULA na ngayon (Agosto 11) ng best-of-five Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup Championship sa pagitan ng Jumbo Plastic-Basilan at KCS-Mandaue.
KCS-Mandaue ang kampeon sa Visayas leg habang Jumbo Plastic-Basilan ang naghari sa Mindanao leg noong Lunes ng gabi sa Pagadian City Gymnasium, Zamboanga del Sur.
Dinomina ng Peace Riders ang Petra Cement-Roxas Vanguards, 89-70, para tapusin ang best-of-three title series sa 2-0 at kunin ang titulo sa Mindanao leg ng kauna-unahang professional league sa South.
Umukit ng kasaysayan ang Basilan nang magtala rin ng imakuladang 10-0 rekord sa 9-team, one-round elimination.
“Talagang napakasarap nitong championship na ito kasi nandito ka lang sa liga during a pandemic, you’re one of the fortunate na,” pahayag ni Basilan head coach Jerson Cabiltes.
Taliwas sa Game 1, matikas na nakihamok ang Vanguards at nagawang makaabante sa 34-32 sa halftime, ngunit sa second half ay rumesbak ang Basilan
“I was very upset during halftime. I scolded all of them. I am very glad that they responded very well,” sambit ni Cabiltes.
Rumatsada ang Peace Riders at umiskor ng 35 puntos sa third period para kunin ang kalamangan tungo sa final canto, 67-53.
Matibay na depensa at mas malupit na play ang ibinandera ng Basilan para sa 13-0 run at hinila pa ang bentahe sa pinakamalaking 27 puntos, 80-53 may 5:03 ang nalalabi sa laro.
“Sobrang saya na mairepresent yung province ko tapos nag-Finals MVP pa ako,” pahayag ni Chris Bitoon, may 10 points sa laro. Sa kabuuan ay nag-average siya 15.0 puntos, 6.0 assists at 2.5 steals sa serye.
Hataw rin si season MVP Hesed Gabo sa naitalang 13 puntos, tatlong assists at dalawang rebounds, at tumipa naman si Michael Juico ng 12 puntos, anim na rebounds, tatlong steals at dalawang blocks.
Nanguna si Leo Najorda sa Vanguards sa kanyang 15 puntos.
Bukod sa pagiging Mindanao champion, naibulsa ng Peace Riders ang P500,000 gantimpala mula kay Chooks-to-Go Philippines owner president Ronald Mascariñas. Nakuha naman ng Vanguards ang P100,000 bilang runner-up.
Iskor:
Basilan (89) – Gabo 13, Juico 12, Uyloan 10, Bitoon 10, Baloria 10, Balucanag 7, Taganas 6, Mabulac 6, Manalang 6, Collado 5, Latip 3, Bringas 1, Saliddin 0, Hallare 0, Siruma 0.
Roxas (70) – Najorda 15, Castro 13, Camacho 8, Jaime 6, Rifarial 5, Templo 5, Reyes 4, Bondoc 4, Intic 3, Elmejrab 3, Pasia 2, Deles 2, Velasco 0, Casino 0.
Quarterscores: 16-16, 32-34, 67-53, 89-70.
158 