UMABOT sa 23 ang namatay sa COVID-19 sa CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela) area habang 4,581 na ang active cases, ayon sa ulat ng health offices ng nasabing mga lungsod.
Napag-alaman, 12 ang namatay sa pandemya sa Caloocan sa loob ng 72 oras. Mula 1,164 noong 5 pm ng Agosto 12, umakyat na sa 1,176 ang total deaths sa parehong oras noong Agosto 15, habang umakyat ang active cases sa 1,148 matapos na 185 bagong kaso ang maitala.
Umabot na sa 41,972 ang tinamaan ng COVID sa lungsod, at sa nasabing bilang ay 39,648 na ang nakarekober.
Samantala, mula naman sa 586 noong Agosto 13 at umakyat na sa 591 ang total COVID deaths sa Valenzuela City, o karagdagang limang namatay. Mula naman 1,227 noong Agosto 13 ay sumipa na sa 1,474 ang active cases, o karagdagang 247 active cases.
Sumampa na sa 24,006 ang nasapul ng pandemya sa Valenzuela City, at sa nasabing bilang ay 21,941 na ang gumaling.
Apat naman ang binawian ng buhay dahil sa pandemya sa lungsod ng Navotas at 1,214 ang active cases matapos na 49 ang mahawaan at 20 lamang ang gumaling. Hanggang 11:59 pm noong Agosto 14 ay 12,819 na ang total cases sa fishing capital at 11,196 na sa mga ito ang gumaling na.
Sa karatig na lungsod ng Malabon, dalawa ang namatay sa COVID at umakyat na sa 500 ang pandemic fatalities ng lungsod. Habang 48 ang nadagdag na confirmed cases noong Agosto 15 at sa kabuuan ay 15,345 ang positive cases sa Malabon, 745 dito ang active cases.
Ang mga bagong kaso ay naitala sa Barangay Catmon (4), Flores (4), Hulong Duhat (4), Niugan (1), Potrero (2), San Agustin (5), Santulan (1), Tinajeros (4), at Tonsuya (23).
Umabot naman sa 84 pasyente ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling. Sila ay mula sa Barangay Acacia (9), Baritan (16), Concepcion (14), Flores (5), Hulong Duhat (9), Panghulo (13), San Agustin (4), at Tonsuya (14). Sa kabuuan ay nasa 14,100 ang recovered patients ng siyudad. (ALAIN AJERO)
