NANINIWALA si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na ang pagkakaroon ng 24/7 health clinic sa bawat barangay ay makatutulong upang hindi na dumagsa ang mga pasyente sa mga pampublikong pagamutan, dahil agad na malalapatan ng lunas ang mga karamdaman sa mismong komunidad.
Ayon kay Cayetano, napapanahon nang bigyang-pansin ng Kongreso ang kanyang inihain na Senate Bill No. 421 o ang Health Centers in All Barangays Act, na naglalayong magpatayo ng kumpleto at maayos na primary health care centers sa lahat ng barangay sa bansa na magbibigay ng 24/7 na serbisyo.
Sa ilalim ng panukala, ang bawat barangay health center ay magbibigay ng konsultasyon, basic treatment, preventive care, at health monitoring, na susuportahan ng sapat na health personnel, pondo mula sa lokal na pamahalaan, at teknikal na gabay ng Department of Health (DOH).
Iginiit ni Cayetano na mahalagang mailapit ang serbisyong pangkalusugan sa mga komunidad, lalo na’t dumarami na rin ang panawagan online para sa pagkakaroon ng 24/7 health clinics sa bawat barangay.
Usap-usapan ngayon sa social media ang kahalagahan ng naturang pasilidad, partikular sa mga biglaang karamdaman na nauuwi sa emergency dahil sa kawalan ng agarang mapuntahang health facility.
“What if every barangay had a 24/7 Health Clinic? Imagine a barangay where basic care is always open—day or night. Would early treatment stop small illnesses from becoming emergencies? Would hospitals finally decongest and focus on serious cases?” ayon sa isang netizen sa isang post na naibahagi ng mahigit apat na libong beses.
Nais din ni Cayetano na palakasin ang papel ng barangay health workers, kabilang ang pagpapahintulot ng home visits para sa mga pasyenteng hirap bumiyahe ngunit nangangailangan ng regular na pagbabantay sa kanilang kalagayan.
Kasabay nito, inihain din ng senador ang Senate Bill No. 420 o ang Super Health Centers in All Cities and Municipalities Act, na nag-aatas sa bawat lungsod at munisipalidad na magtayo ng kahit isang Super Health Center para sa mga pasyenteng nangangailangan ng outpatient care at may hindi komplikadong kondisyon.
Inaasahang makatutulong ang mga Super Health Center sa pag-decongest ng malalaking ospital, sa pamamagitan ng pagbibigay ng primary at preventive care sa lokal na antas, kabilang ang serbisyong bukas araw at gabi.
“I haven’t seen a shift or a game-changer in the way we look at our health system… All Filipinos deserve the best social services. That starts with having access to health care that is both immediate and within reach,” ani Cayetano.
May mga netizen ding nagpunto na mahalaga ang koordinasyon ng iba’t ibang sektor upang maging epektibo ang mga panukalang ito.
“This is a good idea. But in the larger scheme of things, it needs a cooperative spirit from the community/barangay, the LGU, and the national government, for the proper planning, set up, and implementation,” ayon sa isang komento.
Ayon kay Cayetano, ito mismo ang layunin ng kanyang mga panukala—ang pagkakaroon ng malinaw na polisiya at pagtutulungan ng komunidad, lokal na pamahalaan, at pambansang gobyerno.
Tinukoy rin ng senador ang Lungsod ng Taguig bilang modelo ng kanyang panukala, kung saan matagumpay na naipapatupad ang city-led health facilities na nagbibigay ng serbisyong lampas sa regular clinic hours at nakakatulong sa operasyon ng mga ospital.
“Taguig is proof that it works. Kung kaya sa Taguig, we should do it in all our cities and municipalities,” dagdag ni Cayetano.
2
