Ipinagkatiwala na ng Bureau of Customs Port of NAIA ang kanilang nasabat na 2 makamandag na cobra, 8 pit vipers at 15 sailfin lizards sa Department of Environment and Natural Resources o DENR.
Ang nasabing mga buhay na mga reptiles na may halagang P300,000.00 na nakalagay sa loob ng bamboo chimes at lantern ay nakatakda sanang i-export sa Taiwan noong Pebrero 18, 2021 sa pamamagitan ng DHL warehouse.
Naunang idineklara ang bagahe bilang “souvenir items” ng isang nagngangalang “Adrian Lim” mula sa Pasig City at naka-consigned naman sa isang “Ryan Su” ng Taiwan.
Nadiskubre at nasabat ang mga reptiles a pamamagitan ng pinagsamang pagsisikap ng Port of NAIA at mga opisyal mula sa ilalim ng Export Division, Enforcement and Security Service (ESS), Environmental Protection and Compliance Division (EPCD), X-Ray Inspection Project (XIP), Customs Intelligence and Inspection Service (CIIS), DHL at sa mahigpit na pakikipagtulungan sa DENR.
Kaugnay nito, ang Port of NAIA ay nananatili sa pagbabantay hindi lamang sa paghuli ng mga ilegal na droga kundi pati na rin sa illegal wildlife trade.
Karagdagan nito, ang Port of NAIA, noong Marso 2019 at Sepyembre 2020 ay pinuri ng Traffic Asia para sa pagkakakumpiska ng 1,529 freshwater turtles at tortoises na nakalagay sa suitcase.
Nakatanggap din ng papuri ang BOC ng U.S. Fish and Wildlife Service para naman sa pagkakasabat sa reticulated python na nakalagay sa rattan basket noon ding nakaraang taon.
Ayon kay NAIA District Collector Carmelita Talusan, sa ilalim ng pamumuno ni Commissioner Rey Leonardo B. Guerrero, ang BOC kasama ang iba pang government at regulatory agencies ay nangako na palalakasin ang pagtutulungan laban sa illegal wildlife trade para proteksiyunan ang wildlife.
Kasunod nito, ay ihahanda na ang profiling at case build up laban sa shipper at co-conspirators para sa illegal wildlife trade na may paglabag sa RA 9147 (Wildlife Resources Conservation and Protection Act) at RA 10863 (Customs Modernization and Tariff Act).
