AABOT sa 29.7 milyong Pilipino ang kikita o sasahod lang ng P71 kada araw sa hinaharap, ayon sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS).
Aakyat naman sa 29.7 milyon ang mga pinakamahirap na mga Pilipino mula sa 17.6 milyon noong 2020 dahil sa kahirapang nararanasan ng bansa, saad ng PIDS.
Ang P71 kita bawat araw ay siyang natatanggap ng mga pamilyang pasok sa kategorya ng malalang kahirapang umiiral sa bansa.
Simula ikalawang kwarter ng 2020 hanggang matapos ang nasabing taon, masyadong mababa ang negatibong gross domestic product (GDP) ng bansa.
Ayon sa Ibon Foundation, ang P537 minimum na sahod bawat araw ng mga manggagawa sa Metro Manila na pinakamataas sa lahat ng rehiyon, ay P434 lamang ang naging tunay na halaga hanggang nitong Disyembre 2020.
Higit na mababa ito kumpara noong Disyembre 2019 na P448 pa ang totoong halaga ng P537, banggit ng Ibon.
Dahil sa mababang halaga ng minimum na sahod ng mga nagtatrabaho sa mga pribadong kumpanya, kakaunti ang nabibili nito dahil ayon sa Ibon ay sobrang taas ng presyo ng mga batayang produktong kailangan ng bawat pamilya.
Nitong Disyembre, masyadong mabilis ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, wika ng Ibon.
Umabot sa 3.5% ang inflation rate nitong Disyembre na siyang pinakamataas mula sa nakalipas na 21 buwan, pahayag pa ng naturang foundation.
Mas masahol ang dinanas ng mga pinakamahihirap na pamilyang Pilipino dahil pumalo sa 4.3 porsiyento ang bilis ng pagtama ng pagtaas ng presyo ng mga batayang produkto, susog pa ng Ibon.
Batay sa pag-aaral na ‘yan, tiyak mas kawawa ang mga manggagawa at empleyado sa mga pribadong kumpanya sa mga rehiyong mahigit P200 lamang ang sahod kada araw.
Higit na malaki ang problema ng mga manggagawang walang trabaho na pinaniniwalaan ng Ibon na umabot sa 5.8 milyon noong Oktubre 2020.
Ayon pa rito, 5.8 milyong Pilipino ang totoong walang trabaho nitong huling kwarter sa nakalipas na taon, taliwas sa 3.8 milyong inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) ng pamahalaan.
Naniniwala ang PIDS at Ibon na mayroong maitutulong ang ayudang pinansiyal ng pamahalaan na ipinatoka sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mahihirap na
pamilya at Department of Labor (DOLE) para naman sa mga manggagawa, kabilang na iyong mga nagtatrabaho sa iba’t ibang bansa.
Ngunit hindi naibibigay sa lahat ng mga nararapat maayudahan. (NELSON S. BADILLA)
174
