DEAD on arrival sa ospital ang tatlong menor de edad na lalaki matapos mabangga ang sinasakyan nilang motorsiklo ng kasalubong na sasakyan sa Dumarao, Capiz, nitong madaling araw ng Linggo.
Ayon sa ulat ng Capiz PNP, nasa edad 12 ang dalawa sa mga nadisgrasya, habang 13 taon gulang naman ang isa nilang kasamahan.
Nabatid sa imbestigasyon ng pulisya, sakay ng motorsiklo ang mga biktima at pagdating sa pinangyarihan ng insidente, bigla silang lumiko pakaliwa at nabangga ng isang paparating na sasakyan. Sa lakas ng impact, tumilapon sa kalsada ang mga biktima.
Mabilis namang nagresponde ang mga awtoridad at agad dinala sa ospital ang mga biktima ngunit idineklarang dead on arrival ang mga ito dahil sa pinsala sa kanilang ulo.
Nasa kustodiya na ng Dumarao Police ang driver ng sasakyan habang hinihintay ang desisyon ng mga pamilya ng mga biktima kung magsasampa ng kaso. (JESSE KABEL)
