TATLONG drug personalities ang nadakip sa isinagawang paglalansag sa isang drug den sa Mandaluyong City ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ayon sa ulat na isinumite sa tanggapan ni PDEA Director General Moro Vergilio Lazo, sinalakay ng mga operatiba ng PDEA-NCR Eastern District ang isang drug den sa Brgy. Addition Hills sa lungsod ng Mandaluyong matapos na magpositibo ang kanilang intelligence gathering sa lugar.
Bukod sa dismantling operation ay nadakip din sina Lucita Dizon, alyas “Lucy”, umano’y drug den maintainer; Jerry Canonigo at Maricris Gonzales alyas “Marci”.
Ayon sa ulat, alas-10:00 kahapon ng umaga nang ikasa ng PDEA ang buy-bust operation sa Brgy. Addition Hills na nagresulta sa pagkakadakip sa tatlong suspek.
Kabilang sa mga nakumpiska ang buy-bust money, iba’t ibang drug paraphernalia, at mahigit 20.5 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P139,400.
Pawang nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang mga suspek.
(JESSE KABEL RUIZ)
