RIZAL – Arestado ang tatlong indibidwal, kabilang ang dalawang itinuturing na high-value individuals (HVI), sa isinagawang buy-bust operation ng Station Drug Enforcement Team (SDET) ng Taytay Municipal Police Station noong Miyerkoles ng gabi.
Ayon sa ulat ng pulisya, isinagawa ang operasyon dakong alas-11:00 ng gabi sa Barangay San Isidro, kung saan isang poseur buyer ang matagumpay na nakabili ng isang sachet ng hinihinalang shabu mula sa isa sa mga suspek.
Matapos tanggapin ang marked money, agad inaresto ng mga awtoridad ang mga suspek na sina alyas “Weng” at “Nizel”, kapwa high-value individuals (HVI), at “Kenneth”, na itinuturing namang isang street-level individual.
Kabuuang limang plastic sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na 120 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P816,000.00, ang nasamsam sa operasyon.
Nakakulong na ang mga ito sa Taytay Municipal Police Station at nakatakdang sampahan ng kaso.
(NILOU DEL CARMEN)
