“YOU measure the size of the accomplishment by the obstacles you have to overcome to reach your goals.”
Ito ang pahayag ni PNP-PRO5 director, P/BGen. Jonnel C. Estomo matapos na madakip ng kanyang mga tauhan sa iba’t ibang lugar sa labas ng kanyang nasasakupan ang tatlo sa anim na mga suspek sa isang kaso ng gang rape, at dalawa pang mga suspek sa hiwalay na mga kaso ng panggagahasa.
Ayon sa ulat na ibinahagi ni P/BGen. Estomo, ang tatlong nadakip na itinuturing na top 2, 3 and 4 most wanted persons sa munisipalidad ng Juban sa lalawigan ng Sorsogon, ay natunton ng kanyang mga operatiba sa mga lalawigan ng Laguna at Batangas noong Martes.
Unang nahulog sa dragnet ng Juban MPS sa tulong ang mga elemento mula 2nd Provincial Mobile Force Company, 92nd Special Action Company-Special Action Force at 9th SAB-SAF, sina Lemuel Jay Regala Lasala (top 2) at Mclenn Leo Domondon Serias, kapwa residente ng Sitio Talinga, Brgy. Cogon, Juban, Sorsogon.
Ang mga suspek ay pinaghahanap ng batas dahil sa kinasasangkutan nilang five counts ng rape sa sala ni Hon. Bernardo Jimenez, presiding judge ng RTC Branch 51, 5th Judicial Region, Sorsogon.
Isa pang suspek na kabilang sa anim na pinaghahanap ng mga awtoridad matapos nilang halinhinang gahasain ang isang menor de edad, ang nadakip na kinilalang si alyas Paclibar, sa kaparehong araw sa follow-up operation sa Brgy. Sabang, San Jose, Batangas.
Sina Lasala, Serias at Paclibar ay kabilang sa nag-gang rape sa menor de edad na biktimang si alyas Lailanie, Grade 10 student.
Kasama ang tatlo pang tinutugis na mga suspek, kinaladkad nila ang biktima at dinala sa bahay ng isang kasapi ng grupo at doon pinagtulungang halayin ang dalagita.
Habang dalawa pang rape suspect ang nadakip ng mga tauhan ni P/BGen. Estomo sa magkahiwalay na operasyon sa mga lalawigan ng Quezon at Masbate.
Unang nadakip ang suspek na si Michael Battaler Gonzales, top 1 most wanted person ng Albay.
Si Gonzales ay dinakip ng mga operatiba ng PRO5 team mula sa Albay Sto. Domingo MPS, (lead unit) kasama ang Provincial Intelligence Unit at 2nd APMFC, dahil sa mga kaso ng rape at statutory rape na isinampa ng mga magulang ng isang menor de edad na biktima.
Nadakip naman ang rape suspect na si Angelito Pagayunan Welliam, top 3 most wanted person, sa Barangay Villa Alvarez, Balud, Masbate.
Samantala, isang high priority target ang napatay ng mga tauhan ni P/BGen. Estomo sa anti-narcotics operation na nauwi sa engkwentro sa Naga City.
Ayon kay P/BGen. Estomo, target ng inilatag na buy-bust operation si Don Candelaria Gumba, nakatala bilang high value priority target at itinuturing na armed and dangerous.
Ayon sa ulat, bandang alas-11:25 ng umaga noong Martes nang ikasa ang buy-bust operation ng mga awtoridad sa koordinasyon ng PDEA.
Ayon kay P/Col. Marlon M. Catan, nakatunog ang target na may mga pulis sa paligid kaya tumakbo ito sa loob ng isang bahay at naglabas ng homemade shotgun saka pinaputukan ang mga awtotidad. Gumanti ng mga putok ang mga awtoridad na ikinamatay ng suspek. (JESSE KABEL)
