3 TIKLO SA 3.5 KILO NG MARIJUANA SA QC

NALAMBAT ng mga tauhan Quezon City Police District (QCPD) Kamuning Police Station 10, ang tatlong kalalakihan sa buy-bust operation ng mga awtoridad sa Marianito St., Quirino Highway, Brgy. Gulod, Novaliches, sa lungsod na ito, noong Miyerkoles ng gabi.

Kinilala ni QCPD director, P/Brigadier General Danilo P. Macerin ang mga suspek na sina Dhendel Carayag, 22; Karl Marx Delos Santos, 22, security guard, at Joseph Vincent Santos, 22-anyos.

Ayon sa ulat, isang regular confidential informant ang nag-report sa PS 10 kaugnay sa illegal drug peddling activity ni Carayag.

Dakong alas-9:15 ng gabi noong Enero 6, 2021, naglatag ang PS 10 operatives ng buy-bust operation laban kay Carayag sa panulukan ng Marianito St. at Quirino Highway, Brgy. Gulod, Novaliches.

Nabatid na nakabili ang isang pulis na umaktong poseur buyer, ng P40,000 halaga ng marijuana kay Carayag na kasama ang dalawa pang mga suspek na nagresulta sa pagkakadakip sa mga ito.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang 3.5 kilo ng marijuana na tinatayang P420,000 ang halaga, gayundin ang dalawang cellphone at isang motorsiklo. (JOEL O. AMONGO)

220

Related posts

Leave a Comment