NAGPAHAYAG ng suporta si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa plano ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bumuo ng crisis committee, kasunod ng tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan.
Ayon kay Cayetano, umaayon ang hakbang ng Malacañang sa nauna nang panawagan ng Senado na palakasin ang kahandaan ng bansa sa malalaking krisis.
Tinukoy niya ang Senate Resolution No. 343 na kanyang inihain, na naglalayong hikayatin ang Executive Branch na maglatag ng malinaw na National Contingency Framework at konkretong plano sakaling magkaroon ng malawakang krisis.
Kasunod nito, pinagtibay rin ang Senate Resolution No. 350 na inakda nina Senate President Vicente Sotto III, Majority Leader Juan Miguel Zubiri, at Cayetano, na nagmumungkahi ng pagbuo ng isang ad hoc committee.
Ang komite, na tatawaging Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT), ay pamumunuan ng chairperson ng Senate Committee on Finance at bubuuin ng mga pinuno ng iba pang komite sa Senado.
Layunin nitong tipunin ang inputs mula sa iba’t ibang sektor at tiyakin ang koordinadong aksyon ng pamahalaan sa panahon ng krisis.
Ayon kay Cayetano, bagamat kumikilos ang mga ahensya sa panahon ng sakuna, nagiging magkakahiwalay ang kanilang hakbang kung walang iisang sinusunod na plano.
Dagdag pa niya, mahalaga ang pagkakaroon ng matibay na pundasyon at malinaw na contingency plan upang maging handa ang bansa sa anomang krisis.
95 