TINATAYANG umabot sa 300 pamilya ang nawalan ng tirahan makaraang sumiklab ang sunog sa Baseco Compound, Port Area, Manila noong Huwebes ng gabi.
Ayon sa Manila Fire Department ng Bureau of Fire Protection, bandang alas-7:00 ng gabi nang magsimula ang sunog sa dalawang palapag na bahay sa Block 17, Old Site, Baseco sakop ng Brgy. 649, Port Area. Dahil yari sa light materials, nadamay ang mga katabing bahay.
Umabot sa ika-apat na alarma ang sunog ngunit wala namang iniulat na namatay o nasaktan sa insidente.
Bukod dito, nagkaroon ng tensyon sa lugar dahil sa paglalagablab ng apoy. Isa namang barko ang hindi makaalis sa lugar dahil low tide kaya maging ang mga bumbero ng Philippine Coast Guard ay tumulong na rin sa pag-apula ng sunog.
Pasado alas-9:00 ng gabi nang ideklarang fire under control ang sunog na tinatayang nasa mahigit isang milyong pisong ari-arian ang tinupok.
Pansamantalang nanunuluyan ang nasunugang 300 pamilya sa Baseco evacuation center.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng Arson Division ang insidente upang mabatid ang posibleng sanhi nito. (RENE CRISOSTOMO)
