39 BAHAY NATUPOK, 2 PATAY SA QUEZON

QUEZON – Namatay ang isang 15-anyos na dalagita at isang 4-anyos na batang babae sa nangyaring sunog na tumupok sa 39 bahay sa bayan ng Guinayangan sa lalawigang ito, noong Biyernes ng madaling araw.

Ayon sa report ng BFP Guinayangan, nangyari ang sunog pasado ala-1:00 ng madaling araw sa Barangay Manggagawa.

Umabot sa ikalawang alarma ang sunog na pinagtulung-tulungang puksain ng mga kagawad ng BFP ng Guinayangan at ng mga karatig bayan.

Ayon pa sa report, sa bahay ng mga biktima nagsimula ang sunog at mabilis na kumalat sa mga katabing bahay dahil sa malakas na hangin.

Marami sa mga magkakatabing bahay ay gawa lamang sa light materials.

Kinilala ang dalawang namatay na sina Melissa Joy Dela Cruz, 4-anyos, at Michaela Avellanosa, 15, natagpuan ang mga sunog na katawan habang magkayakap sa loob ng kwartong kanilang tinutulugan.

Napag-alamang walang kasama sa bahay ang dalawa nang maganap ang sunog.

Ayon kay Imelda de la Cruz, nanay ni Melissa, iniwan nilang natutulog na ang dalawa upang kumuha ng mga panindang isda sa bayan ng Calauag na kanilang hanapbuhay.

Umabot sa 50 pamilya ang apektado ng sunog at nawalan ng tirahan.

Inaalam pa ng BFP kung ano ang pinagsimulan ng sunog. (NILOU DEL CARMEN)

266

Related posts

Leave a Comment