CAVITE – Patay ang isang 4-anyos na bata nang masagasaan ng motorsiklo habang tumatawid sa kalsada matapos na maligo sa ilog sa bayan ng Ternate sa lalawigang ito, noong Huwebes ng hapon.
Unang isinugod sa dalawang ospital ngunit dahil sa kakulangan ng kagamitang medical ay inilipat sa Gen. Emilio Aguinaldo Hospital kung saan idineklarang dead on arrival ang biktimang si alyas Jayson, ng Sitio Ophir, Brgy. Sapang 1, Ternate, Cavite.
Kusang loob namang sumuko ang driver ng Honda Click na si Ricarte Densing, 53, ng Brgy. Cabuco, Trece Martires City.
Ayon sa ulat ni Pat. Nykko Necessario ng Ternate Police Station, dakong alas-2:00 noong Huwebes ng hapon nang mangyari insidente.
Galing sa paliligo sa ilog ang biktima at dalawa pang kasamahang bata nang tumawid ito sa kalsada na sakop ng Magnetic Road, Ternate-Nasugbu Road, Puerto Azul, Sabang, Ternate, Cavite at nabangga ng minamanehong motorsiklo ni Densing.
Unang isinugod sa isang ospital sa Ternate ang biktima ngunit dahil sa kakulangan ng medical equipment ay inilipat sa Cavite Municipal Hospital sa Maragondon subalit muling inilipat sa GEAH sa Trece Martires City kung saan idineklarang dead on arrival.
“Galing sa paliligo sa ilog at pauwi na sila dapat, naunang tumawid ang dalawang kasamahan niya at humabol siyang tumawid kaya siya nasagasaan,” ayon kay Pat. Necessario.
Ayon pa kay Pat. Necessario, nakatingin si Densing sa dalawang naunang batang tumawid at hindi akalain na tatawid din ang biktima.
Nabatid na mismong ang suspek ang tumulong upang madala sa ospital ang bata. (SIGFRED ADSUARA)
231 