NANAWAGAN si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ng pagtatatag ng hiwalay na kagawaran para sa sektor ng pangingisda sa gitna ng tuluy-tuloy na pagbaba ng produksyon ng isda sa bansa.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 417, isinusulong ni Cayetano ang paglikha ng Department of Fisheries and Aquatic Resources (DFAR) na tututok sa pangangalaga, pamamahala, at pagpapaunlad ng yamang-dagat ng Pilipinas.
Base sa ulat, tinatayang nasa 45,472 metric tons ng isda ang nawawala kada taon sa nakalipas na isang dekada—isang sitwasyong nagbabadya ng banta sa food security at pangmatagalang katatagan ng sektor.
Kasabay nito, lumutang din ang problema sa kakulangan ng tauhan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources matapos bumaba ng 28% ang kanilang workforce mula 2017 hanggang 2023 kahit nadagdagan ang kanilang mandato.
Dagdag pa rito, nananatiling kabilang sa pinakamahihirap na sektor ang mga mangingisda, ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority at Department of Social Welfare and Development.
Sa gitna ng ganitong kalagayan, iginiit ni Cayetano ang pangangailangan ng malawakang reporma sa istruktura ng pamahalaan.
“The Philippines, being an archipelago with very rich marine resources, can be a marine powerhouse,” ani Cayetano sa explanatory note ng panukala, sabay diin na nararapat lamang magkaroon ng isang kagawarang tutok at may malinaw na pananagutan sa sektor.
Sa ilalim ng panukala, ang DFAR ang magsisilbing pangunahing ahensya sa polisiya at regulasyon—hiwalay sa Department of Agriculture na aniya’y mas nakatuon sa land-based farming.
“It is time that the government provides for a focused, specialized department responsive to the needs and concerns of the fisheries and aquatic resource industry,” dagdag pa niya.
Target din ng panukala na higpitan ang laban kontra illegal fishing sa pamamagitan ng mas matibay na monitoring system, mahigpit na regulasyon, at mas maayos na koordinasyon sa law enforcement at mga non-government organizations.
Plano ring pag-isahin sa ilalim ng DFAR ang mga tungkulin ng iba’t ibang ahensya gaya ng BFAR, Philippine Fisheries Development Authority, at mga programang pang-dagat ng Department of Environment and Natural Resources upang maiwasan ang dobleng trabaho at mapabilis ang serbisyo.
Giit ni Cayetano, ang pagkakaroon ng iisang ahensyang may malinaw na pananagutan ang susi para maibalik ang sigla ng sektor ng pangingisda.
“This will be a significant step in order to better protect, utilize, maximize, and conserve the nation’s marine resources as well as uphold the best interest of the fisherfolk,” aniya.
123 