PANGAKONG NAPAKO NI PBBM

AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS

HINDI na muling nagsalita si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., hinggil sa sinabi niyang may makukulong sa mga nasasangkot sa pinakamalaking iskandalo sa kasaysayan ng bansa, ang flood control project anomalies.

Hindi nakalilimutan ng mga Pilipino ang ipinagmalaki ni PBBM sa kanyang State of the Nation Address (SONA) sa House of Representatives noong 2024, na mayroong 5,500 flood control projects na natapos na at may mga ginagawa pa ang kanyang administrasyon.

Nabisto ang kasinungalingan ng presidente matapos tamaan ng mga kalamidad ang iba’t ibang lugar sa bansa na nagdulot ng mga pagbaha.

Hinanap ng publiko ang ipinagmamalaking 5,500 flood control projects na ipinagmamalaki ni PBBM, subalit wala siyang maipakita.

Dahil dito, nagsagawa siya ng inspeksyon sa iba’t ibang mga lugar na pangunahing binaha tulad ng Bulacan, Baguio City at iba pa kung saan ay nakita niya na substandards at tinawag niyang “guni-guni” ang flood control projects.

Makalipas ng isang taon, noong 2025 sa kanyang SONA ay kanya namang sinabi na “Mahiya Naman Kayo!” sa harapan ng maraming panauhin sa Kamara.

Nagtayuan ang mga kongresista at senador na hindi malaman kung natuwa sila o iniinsulto nila ang pangulo sa sinabing “Mahiya Naman Kayo!” dahil marami sa kanila ang nagbulsa ng pondo ng flood control projects.

Kasunod nito, ang pagtatag ni PBBM ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) para mag-imbestiga sa flood control projects na kung saan ay pinili lang ang kanilang inimbestigahan, at binuo ang “Isumbong po sa Pangulo” website.

Sa unang imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee at ng Mababang Kapulungan ng Kongreso, ay lumantad ang mga kontratista, kasama na ang mag-asawang Curlee at Sara Discaya.

Itinuro nila na maraming kongresista at ilang engineers ng Department of Public Works and Highways (DPWH) katulad nina Engr. Brice Hernandez, Engr. Mendoza, Engr. Alcantara at iba pa na tumanggap umano ng limpak-limpak na salapi bilang komisyon.

Kalaunan, lumabas din si DPWH Usec. Roberto Bernardo at inamin nitong naghatid siya ng mga pera sa mga kilalang personalidad sa pulitika at opisyal ng pamahalaan sa ilalim ng administrasyon ni PBBM.

Sinundan ito ng paglutang ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, na inamin na siya ang napag-utusan na gumawa ng pera kina PBBM at dating Speaker Romualdez, ang kanyang expose ay ginawa sa pamamagitan ng part 1 hanggang part 6 videos.

Sa una, ayaw siyang pauwiin ng administrasyon, ngunit matapos ang kanyang paglalabas ng video expose, ay nagpahayag ang Malacañang na kailangang pauwiin na si Co.

Nagbitiw naman ng salita si PBBM na may mananagot at hindi magiging Merry ang Christmas ng mga nasasangkot sa maanomalyang flood control projects.

Mula noong Disyembre 2025 hanggang ngayon, walang incumbent na kongresista at senador na nakulong maliban kay dating Senador Bong Revilla.

Imbes na tuparin ang ipinangako ni PBBM na may makukulong na malalaking isda na idinadawit sa flood control project anomalies, ay ipinadala si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, The Netherlands, at sinampahan ng apat na impeachment ng sinasabing mga kaalyado ng administrasyon, si Vice President Inday Sara Duterte para maibaling ang isyu ng katiwalian sa pangalawang pangulo at sa dating pangulo ng bansa.

Tumigil na sa imbestigasyon sa flood controls project ang Kamara, Blue Ribbon Committee, nalusaw na ang ICI at wala na ring impormasyon sa “Isumbong mo Pangulo” website, ngunit wala pa ring napapanagot sa malalaking isda na nahatiran ng male-maletang pera.

Lumantad na rin ang 18 dating mga sundalo na nagpapatibay sa mga naunang sinabi nina MSgt. Orly Guteza at Zaldy Co, na pilit kinukuwestiyon ang kanilang kredibilidad.

Samantala, si Ramil Madriaga na pinuno ng Madriaga Kidnap for Ransom Group, na nakakulong ngayon, ay kinuha nilang testigo laban kay VP Sara Duterte ngunit hindi ninyo kinukuwestiyon ang kredibilidad.

Dapat pa bang paniwalaan ng mga Pilipino ang administrasyon ni PBBM?

oOo

Para sa inyong katanungan, maaari po kayong mag-text sa cell# 0917-861-0106.

128

Related posts

Leave a Comment