SUSPEK SA P10-M ROBBERY SA BULACAN, ARESTADO

ARESTADO sa isinagawang hot pursuit operation ng Calumpit Police Station ang isa sa apat na mga suspek sa P10-million robbery holdup sa bahay ng isang negosyante sa Bulacan, sa pinagtataguan nito sa Parañaque City noong Linggo ng gabi.

Ayon kay PCol. Angel Garcillano, provincial director ng Bulacan Police Provincial Office, ang suspek na kinilalang si alyas “Lupin” ay isa sa mga armadong kalalakihan na nanloob sa bahay ng isang negosyante sa La Residencia Subdivision sa Brgy. Balite, Calumpit, Bulacan noong gabi ng Marso 21.

Nabatid na ang suspek ang siyang may-ari ng pulang Mitsubishi Expander na ginamit ng mga nanloob bilang getaway vehicle sa nangyaring krimen.

Matatandaang pinasok at tinutukan ng baril ang negosyante at kasambahay nito, at tinangay ng mga suspek ang P10 milyong cash at mga alahas.

Sa tulong ng Land Transportation Office (LTO), natunton ang bahay ng suspek sa Parañaque sa pamamagitan ng backtracking at forward tracking sa CCTV.

Dito positibong itinuro at kinilala ng biktima ang suspek sa naturang robbery hold-up.

Samantala, patuloy ang hot pursuit operation ng mga awtoridad laban sa tatlo pang mga kasaman ng nadakip na suspek.

(ELOISA SILVERIO)

147

Related posts

Leave a Comment