PUNA ni JOEL O. AMONGO
KUNG tatagal pa ang giyera sa pagitan ng Israel, Amerika at Iran na nagiging dahilan ng patuloy na pagtaas ng presyo mga produktong petrolyo, ito ay magiging dahilan ng pagtaas ng krimen sa bansa.
Hindi pa man tuluyang nakababangon ang Pilipinas sa hagupit ng COVID-19 pandemic ay muli na namang binabayo ng kahirapan ang bayan ni Juan.
Ang kahirapan na ito ay kagagawan ng tao, tulad ng korupsyon, at giyera sa Middle East.
Mula taong 2023, 2024 hanggang 2025 ay pinagsamantalahan ng matataas na mga opisyal sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., ang kaban ng bayan na aabot ng mahigit isang trilyong piso.
Ginawang sindikato ng mga taong ito ang pamahalaan sa pamamagitan ng pagpaparte-parte sa pondo ng gobyerno.
Mula sa mga kongresista, senador, mga opisyal ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ang naghati-hati sa pera ng mga Pilipino.
Ngayon may giyera sa Gitnang Silangan, hindi agad mapauwi ang mga kababayan nating overseas Filipino workers (OFWs), at sinasabi ng administrasyon na hindi raw pwedeng makalipad ang commercial plane malapit sa pinangyayarihan ng sigalot partikular sa Middle East.
May ibang bansa na nagpadala ng kanilang eroplano sa Gitnang Silangan para sunduin ang kanilang mamamayan sa lugar, subalit iba ang sinasabi ng administrasyon ni PBBM. Sino sa kanila ang nagsasabi ng totoo?
Tinagurian pa man din na mga “Bagong Bayani ng Bayan” ang OFWs, pero pagdating sa kanilang problema ay hindi agad masolusyunan ng pamahalaan.
Hindi natin sinisisi ang administrasyon sa giyera sa Middle East, pero may magagawa sila para hindi masyadong makaapekto ito sa mga Pilipino.
Kung hindi ninyo ninakawan ang kaban ng bayan, may paghuhugutan sana ang gobyerno na magagamit para makatulong bilang ayuda sa mga naghihikahos na pamilyang Pilipino. Puro pangsariling kapakanan lang kasi ang iniisip ng mga opisyal ng pamahalaan, wala na ang tinatawag na serbisyo publiko.
Ngayon dahil sa taas ng presyo ng mga produktong petrolyo, paanong makakaagapay ang mga ordinaryong Pilipino? Saan sila kukuha ng pambili ng kanilang pagkain?
Kung uuwi ang maraming OFWs, saan sila kukuha ng ipakakain sa kani-kanilang pamilya?
‘Pag ang tao ay gutom, kakapit sa patalim ‘yan, maaaring makagawa ng masama para lang may kainin ang kanyang pamilya.
Bagama’t iniulat ng Philippine National Police (PNP) na bumaba ng 12.66% ang crime rate mula Enero 1 hanggang Marso 16 ngayong taon, maaaring magbago ‘yan dahil sa kahirapan ng buhay.
Na-PUNA natin na ngayon pa lang ay tumaas na ng P150 ang bawat sako ng bigas na may 25 kilos ang laman dahil sa walang tigil na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Apektado rin ang mga magsasaka, mangingisda at tsuper sa pagsirit ng presyo ng langis, dahil lahat sila ay gumagamit ng mga produktong petrolyo.
Hindi lingid sa mga awtoridad na kapag ang mga tao ay hirap sa buhay, kung anu-ano ang pumapasok sa kanilang isipan para makagawa ng paraan upang hindi magutom ang kanilang pamilya.
Dalangin natin na ‘wag na sanang tumagal pa ang sigalot sa Gitnang Silangan para mabawasan ang kahirapan ng mga Pilipino.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.
134 