CAVITE – Patay ang dalawang construction worker, nailigtas ang isa pa habang pinaghahanap ang isa pa nilang kasamahan makaraang matabunan ang kanilang barracks nang gumuho ang lupa sa border ng Silang at Tagaytay City noong Huwebes ng umaga.
Ayon sa Silang DRRMO, bandang alas-6:00 ng umaga nitong Biyernes nang marekober ang katawan ng ikatlong biktima matapos matukoy ang kinaroroonan ng bangkay nito.
Nabatid sa ulat, nangyari ang insidente bandang alas-10:00 ng umaga noong Huwebes sa border ng Sitio Cabangaan, Silang, Cavite at Brgy. Iruhin West,Tagaytay City.
Nabatid na pawang nasa loob ng kanilang barracks sa nasabing lugar ang mga biktima na pawang mga construction worker, dahil hindi makapag-trabaho bunsod sa masamang panahon dulot ng bagyo, nang gumuho ang lupa na kinatitirikan ng kanilang tinutuluyan at tuluyang silang natabunan.
Unang narekober ang dalawang biktima ngunit idineklarang patay na ang isa sa mga ito, habang ang isa ay isinugod sa Tagaytay Medical Center at nilalalapatan ng lunas.
Samantala, nitong Biyernes ng umaga ay narekober naman ang katawan ng isa pang biktima habang isa pa nilang kasamahan ang patuloy na hinahanap. (SIGFED ADSUARA)
105
