IPINAG-UTOS ni Imus City Mayor Emmanuel Maliksi ang imbestigasyon hinggil sa ulat na 4,000 doses ng bakuna ang umano’y nawawala at naipasa sa mga dayuhang negosyante.
Ang isasagawang imbestigasyon ay kasunod ng lumabas sa imbentaryo na isinumite ng DOH Region 4A noong Agosto na may discrepancy sa bilang ng vials na aktwal na hawak ng Ospital ng Imus sa isinumiteng report ng National Bureau of Investigation (NBI)
“Sinabihan ko ang aking legal officer na si Atty. Eugene at Doctor Andy na gumawa ng imbestigasyon dahil ayaw nating mabahiran ng anomalya,” ayon kay Maliksi.
Ikinagulat din niya ang balita dahil nangunguna ang Imus City sa vaccination roll-out.
“Ang daily jobs rate natin ay 5,500 to 6,000. Ang target na ibinigay sa amin ng DOH ay 80,700 lang, kaya kami ang laging green sa buong Cavite, in fact kami ang pinakauna, so baka siguro dahil lamang sa ganito ay maraming nami-miss-out kaya gusto naming malaman ‘yung totoong kuwento,” ayon pa sa alkalde.
Kinumpirma rin ni Maliksi na mayroong mga negosyanteng nagpapabakuna pero kasabay raw ito sa A4 priority list.
“Lahat naman ng lungsod ay may mga dayuhan pero hindi ibig sabihin na dayuhan sila ay hindi rin natin bibigyan, halimbawa ‘yung mga officer ng kumpanya na andito kaya simula nang nag-umpisa tayong magbakuna ng A4, lahat ng officers na lumalapit sa atin eh binabakunahan din natin,” dagdag pa ng Alkalde
Tiniyak naman ng alkalde na maparurusahan ang mga sangkot sa anomalya. (SIGFRED ADSUARA)
165 