DISASTER PREPAREDNESS HUWAG ISANTABI – POE

PINABABALASA ni Sen. Grace Poe ang burukrasya ng pamahalaan upang magbigay-daan sa mas kinakailangang disaster preparedness at paigtingin ang katatagan na makapagbibigay ng higit na proteksiyon sa mahihina, sa harap ng tumitinding kalamidad.

“Hindi na dapat pang malubog at malugmok ang ating mga kababayan sa pilay na istruktura ng burukrasyang ang pundasyon ay hindi makapagbuhos ng malawakang paghahanda laban sa sunud-sunod na kalamidad,” ayon kay Poe, na naghain ng Senate Bill 124 na naglalayong lumikha ng isang disaster risk reduction and management department na may buong kapangyarihan at mandato na magsagawa at magpatupad ng kumprehensibong plano laban sa mapanirang epekto ng kalamidad sa bansa.

“Ang malaking problema natin ay hindi lamang sa pagtugon ngunit lalong-lalo na sa pag-agap,” ayon sa senador sa panayam.

Iginiit pa ni Poe na sa rightsizing ng gobyerno kung saan may ibang seksyon na may mandato na napunan na o hindi na kailangan pa ay dapat ma-absorb sa mas krusyal na tanggapan o departamento.

“Walang bagyong pinakamalakas para sa komunidad na pinatatag para sa mga pinakamatinding uri ng kalamidad,” paliwanag niya.

Kamakailan, ipinadala ni Poe ang kanyang team at mga volunteer upang mamahagi ng relief goods sa biktima ng bagyong Ulysses sa Bicol na lubhang binayo ng tatlong magkakasunod na bagyo kaya nawalan ng tahanan ang mahigit 170,000 residente.

Ipinamahagi nila ang mga supot na may lamang bigas, corned beef, meat loaf, kape at noodles sa mga apektadong residente sa Legazpi City, San Fernando sa Camarines Sur, at Baras, Catanduanes sa pamamagitan ng Panday Bayanihan na pinangungunahan ng chairman at chief executive officer nitong si Brian Poe Llamanzares.

Namahagi rin ng tulong ang organisasyon sa Cagayan Valley, Marikina, Quezon, at iba pang lugar na lubhang sinalanta ng bagyo.

Sinabi ni Poe na kailangan nang kumilos nang higit sa post-calamity coordination at magtrabaho para sa kumprehensibo at inklusibong whole-of government at pagpaplano ng lipunan upang bawasan ang epekto ng kalamidad at magtayo ng matatag na komunidad. (ESTONG REYES)

202

Related posts

Leave a Comment