LIMANG kasapi ng communist NPA terrorists (CNTs) ang nadakip sa isinagawang pagsalakay ng pinagsanib na puwersa ng militar at pulis sa lalawigan ng Masbate.
Ayon sa ulat ni PNP-PRO5 Regional Director Jonnel C. Estomo, kinilala ang mga nadakip na sina Michael Funelas alyas “Argie”; Myra Letada; Maricris Letada alyas “Sarah”; Sheryl Salazar; at Vicky Ontog pawang kasapi ng Platoon 2, Larangan 1, Komiteng Probinsya 4.
Ayon kay Gen. Estomo, muling nagkamit ng panibagong tagumpay ang malakas na ugnayan ng PNP Bicol at Philippine Army sa kampanya kontra terorismo sa magkasanib na operasyon sa Sitio Bacquiad, Brgy. Piña, San Jacinto, Masbate na nagresulta sa pagkakahuli sa limang armadong indibidwal na nakumpiskahan ng mga pampasabog.
Ang pagkakahuli sa mga NPA ay bunsod sa sumbong mula sa mga concerned citizen patungkol sa nagpalipanang rebelde sa naturang lugar.
Isang daang metro mula sa pinaghihinalaang tinutuluyan ng mga makakaliwang grupo, nakumpiska ang isang improvised shotgun; 5 molotov bombs; bandolier na may walong magasin; mga bala para sa M16; 3 commercial radios; batteries; chargers; remote para sa personal mine, isang rolyo ng detonating cord; cellphone, hammock; at iba pang mga personal na kagamitan ang narekober ng mga tauhan ng 2nd Infantry Battalion (2IB) Philippine Army, PNP-POR5 at Philippine Coast Guard (PCG).
Ipinaabot naman ng PNP Bicol at AFP ang pasasalamat nito sa komunidad sa walang sawang pagsuporta sa mga programa at inisyatibo nito upang wakasan na ang karahasan at panlilinlang ng mga rebeldeng grupo.
“Aalamin natin kung may iba pang kinasangkutang krimen itong mga nahuli at masusi natin itong iimbestigahan. Sa mga kaanak ng iba pang miyembro ng CTG, huwag ninyong hayaang mangyari ito sa kanila. Habang maaga pa, kumbinsihin na ninyo silang sumuko,”ani Estomo
Sa mensaheng ipinabatid ni MGen. Henry A. Robinson Jr. ng Philippine Army, tiniyak nito ang pagpupursige at determinasyon upang hanapin ang kinaroroonan ng mga natitira pang mga rebelde. “Kahit magtago kayo sa kabundukan, mahuhuli pa rin namin kayo dahil mismong ang mga Masbateño na ang nagsisilbi naming mata. Wala na rin kayong mass base kaya tanggapin na lang ninyo ang iniaalok sa inyo ng pamahalaang mas maayos na pamumuhay dahil wala namang patutunguhan ang pananatili ninyo sa loob ng CTG. Napakaganda ng programa ng gobyerno at hindi lamang ito para sa inyo kundi para sa inyong mga pamilya.”
Samantala, nanindigan naman si P/BGen. Estomo sa paghahanap ng mas epektibong paraan upang buwagin ang sandatahan na walang mabuting idinulot sa pamayanan.
“Katuwang ang ating AFP counterparts, mas palalawigin natin ang kampanya kontra insurhensya. Hindi tayo titigil hangga’t hindi ito nauubos. Sa kabilang dako, patuloy rin ang ating paghikayat sa iba pang miyembro nitong nais na magbalikloob at nagsimula muli ng panibagong yugto na kanilang buhay na malayo sa madugo at walang kabuluhang pakikipaglaban.”
Mula Enero hanggang Septyembre nitong taon, 146 na operasyon ang magkasamang inilunsad ng PNP Bicol at AFP kung saan 11 ang aktwal na nahuli sa engkwentro; 64 ang naaresto; 185 ang mga boluntaryong sumuko; 27 ang napatay, at 176 naman na iba’t ibang uring ng armas ang nakumpiska.
Upang ganap na maisulong ang pagnanais na linangin ang rehiyon sa banta ng insurhensya, pinaigting din ang pagkakasa ng Retooled Community Support Program (RCSP) bilang parte ng inisyatibo ng pamahalaan sa ilalim ng Executive Order No. 70 para puntahan, paliwanagan, ilayo at iwasang maging biktima ng kasinungalingan ng NPA.
