TUMIMBUWANG ang limang wanted personalities nang mauwi sa engkuwentro ang inilunsad na joint law enforcement operation ng militar at pulis laban sa isang organized crime syndicate na financier umano ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighter terrorist group sa probinsya ng Cotabato.
Sa ulat sa tanggapan ni PNP Chief Police General Dionardo Carlos mula sa PNP- Regional Office 12, isang law enforcement operation ang inilatag ng kanilang puwersa katuwang ang mga tauhan ng Philippine Army laban sa organized crime group na sangkot sa carnapping, robbery holdup at sinasabing supporters at financier ng BIFF terrorist group sa Barangay Gokotan, Pikit, Cotabato.
Ngunit, ayon kay PNP 12 Regional Director Brigadier General Alexander Tagum, bago pa maisilbi ang warrant ay nanlaban ang mga suspek kaya nagkaroon ng madugong sagupaan.
Sa ulat, lima sa armadong kalalakihan ang nasawi at apat naman sa hanay ng mga pulis ang nasugatan sa engkuwentro.
Tinatayang nasa 450 suspected carnapped motorcycles ang narekober mula sa grupo, bukod pa sa matataas na uri ng armas, mga pampasabog at bala.
Nasa heightened alert ang tropa ng militar at pulisya sa Pikit, Cotabato sa posibleng paghihiganti ng mga kasamahan ng mga nasawi. (JESSE KABEL)
228
