5 PULIS SA CALBAYOG MAYOR SLAY, SISIBAKIN

INIREKOMENDA kay PNP chief, Gen. Guillermo T. Eleazar na sibakin sa serbisyo ang limang pulis na sangkot sa pagpatay kay Calbayog City Mayor Ronaldo Aquino.

Ayon kay PNP Internal Affairs Service (IAS) Inspector General Atty. Alfegar Triambulo, lumitaw sa resulta ng isinagawang imbestigasyon ng IAS na ambush ang nangyaring pagpaslang sa alkalde at hindi shootout.

Ang mga pulis na inirekomenda ng IAS kay PNP chief, Gen. Guillermo Eleazar na sibakin sa serbisyo ay sina P/Lt. Col. Harry Sucayre, P/Lt. Col. Shyrile Tan, P/Lt. Julio Armeza Jr., pawang nakatalaga sa PNP-IMEG; P/SSgt. Neil Cebu ng EOD /K9, Samar PPO, at P/Cpl. Edsel Omega ng PDEU, Samar PPO.

Nauna rito, sinabi ng mga testigo na naunang nagpaputok ng baril ang mga pulis at gumanti lamang ng putok ang mga kasama ni Mayor Aquino matapos na mapatay ang police escort na si P/SSgt. Rodeo Sario at ang driver nito na si Dennis Abayon.

Sinasabing umaabot sa 267 bala ng baril ang tumama sa sasakyan ni Mayor Aquino bukod pa ito sa siyam na tama ng bala sa windshield patunay na malinaw ang intensyong patayin ang mga sakay nito.

Lumilitaw rin umano na dalawang taong pinagplanuhan ang pagpatay kay Mayor Aquino.

Sinabi pa ni Triambulo, hindi rin maipaliwanag ng mga inaakusahang pulis kung bakit nakasuot ng bonnet ang dalawa sa napatay na mga suspek na pulis na sina P/Capt. Joselito Tabada at P/SSgt. Romeo Laoyan.

Dagdag pa ni Triambulo, abswelto naman sa kasong administratibo ang 16 pulis na unang isinangkot sa operasyon. (JESSE KABEL)

98

Related posts

Leave a Comment