ARESTADO ang isang tsuper na wanted sa kasong robbery holdup sa ikinasang Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operations (SACLEO) ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Unit kasama ang Anti-Carnapping Unit at Intelligence Unit ng Muntinlupa City Police Station.
Swak sa kamay ng mga operatiba ang isang Lloyd Villaspin nang matiyempuhan ito sa harap ng isang fast food restaurant sa border ng National Capital Region at lalawigan ng Laguna. Ang suspek, ayon sa pulisya ay kabilang sa most wanted person sa lungsod ng Muntinlupa para sa 3rd quarter ngayong taon.
Inaresto si Villaspin sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Antonieta Pablo-Medina ng RTC Branch 276, Muntinlupa City para sa kasong robbery holdup. Gayunman, posible pa rin namang makalaya ang suspek kung makapaglalagak ito ng piyansang nagkakahalaga ng P100,000.
“Binabati ko ang Muntinlupa City Police sa inyong matagumpay na operasyon, maraming salamat sa ating mga kababayan na patuloy na nakikipagtulungan upang mahuli ang mga kriminal sa ating nasasakupan, dahil sa inyo matagumpay nating mapapanatili ang katahimikan sa ating nasasakupan,” sabi ni Southern Police District Director Brigadier General Jimili Macaraeg. (DAVE MEDINA)
180 