ARESTADO ng mga tauhan ng District Special Operation Unit (DSOU) ng Northern Police District (NPD) ang anim katao matapos salakayin ang isang establisimyento na gumagawa umano ng pekeng COVID-19 vaccination cards sa C.M. Recto Avenue, Manila noong Huwebes ng gabi.
Ayon kay NPD Director P/BGen. Jose Santiago Hidalgo, Jr., isinagawa ang pagsalakay ng mga operatiba ng DSOU, sa pangunguna ni P/Maj. Vicky Tamayo, na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek na sina Geraldine Vargas, 51; Camille Cressida Halili, 34; Janneth Viernes, 42; Gengen Subito, 34; Nikko Molina, 18, at Ronaldo Benitez, 31-anyos.
Nauna rito, nakatanggap si DSOU chief, P/Lt. Col, Jay Dimaandal ng isang tip mula sa kanilang confidential informant na ang mga suspek ay nagbebenta ng pekeng COVID-19 vaccination cards ng mga lungsod ng Caloocan at Valenzuela.
Dakong alas-6:30 ng gabi, isang police poseur buyer ang nakabili ng isang pekeng health vaccination card ng Caloocan City sa halagang P1,800 na naging dahilan upang agad lusubin ng mga operatiba ang naturang establisimyento na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.
Nakumpiska sa mga suspek ang ilang pekeng health vaccination cards ng Caloocan at Valenzuela, fake COVID-19 antigen test results, fake vaccine receipts, gamit sa pagproseso ng mga pekeng dokumento, marked money na ginamit sa entrapment operation at P2,300 cash.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Art. 172 ng Revised Penal Code in relation to Rule XI Section 1 paragraph B nf Implementing Rules and Regulation ng RA No. 11332. (FRANCIS SORIANO)
159 