63K BARKO ILEGAL NA PUMASOK SA PINAS

KINUMPIRMA ni Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana na umaabot sa 63,699 barko ang ilegal na dumaan at pumasok sa teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).

“For vessels transiting the Philippine waters, 63,699 were detected and challenged,” ani Lorenzana sa House committee on appropriation kung saan idinepensa nito ang P297.1 bilyong pondo ng kanyang tanggapan sa 2022.

Ginawa ng kalihim ang pahayag matapos uriratin ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate ang presensya ng mga dayuhang barko lalo na ang Chinese vessels sa WPS kasama na ang mga nasa Panatag Shoal.

Ayon kay Lorenzana, ang bilang ng barkong ito ay naitala mula noong Enero hanggang kasalukuyan.

Kabilang dito ang Chinese fishing vessels na noong Marso ay natuklasang nagkukumpulan sa Julian Felipe reef ilang araw pagkatapos matanggap ng bansa ang donasyon ng China na Sinovac vaccines.

“We cannot prevent them from coming in and out because most of them are fishing vessels, civilian vessels, once in a while, Coast Guard ships,” ani Lorenzana subalit hindi umano nila hinahayaang manatili ang mga ito sa WPS.

Samantala, humirit din si Lorenzana ng karagdagang pondo para sa pension ng mga militar. (BERNARD TAGUINOD)

147

Related posts

Leave a Comment