PINASIMULAN kahapon Pebrero 5, 2025, ng pinagsanib na pwersa ng Pilipinas, Australia, Japan, at United States ang ika-anim na Multilateral Maritime Cooperative Activity sa loob ng Exclusive Economic Zone ng bansa.
Sa inilabas na pahayag kahapon mula sa tanggapan ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Romeo Brawner, nagsimulang maglayag patungong West Philippine Sea ang combined armed and defense forces ng Philippine Navy Australia, Japan, at U.S. para ipakita ang sama-samang pagsisikap ng magka-alyadong mga bansa na mapalakas ang regional and international cooperation bilang suporta sa malaya at bukas na Indo-Pacific.
Kinumpirma kahapon ni AFP Public Affair Office chief, Col. Xerxes Trinidad ang halos sabay-sabay na paglalayag ng mga barkong pandigma ng apat na bansa patungo sa itinalagang sa exercise box, sa dagat na sakop ng West Philippine Sea.
“Well on their way pa lang for the start of the exercise so definitely today is the start of the exercise so everybody should be steaming going to the, magkikita and then all the different formations and exercises will be conducted on the said exercise box,” ani Col. Trinidad
Nabatid na matagal na itong nakaplano at nagtakda ng iba’t ibang maneuvers and exercises sa ilalim ng 6th Multilateral Maritime Cooperative Activity sa nasasakupan ng Philippines’ Exclusive Economic Zone.
Aktibong sasabak sa pagsasanay ang naval and air force units ng kasaling mga bansa sa layuning malinang ang cooperation and interoperability ng magkakasanggang armadong sandatahan.
“The activity will be conducted in a manner consistent with international law and with due regard for the safety of navigation, and the rights and interests of other State,” pahayag pa ng AFP
Pagtiyak naman ni General Romeo Brawner, “This underscores our shared commitments to upholding the right to freedom of navigation and overflight, other lawful uses of the sea and international airspace, as well as respect for maritime rights under international law, as reflected in the UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).”
Una rito, nagsagawa ng joint air patrol at intercept training ang bomber planes and fighter jets ng Pilipinas at Amerika malapit sa Bajo de Masinloc noong Lunes.
Ayon kay Philippine Air Force spokesperson Col. Ma. Consuelo Castillo, nagsagawa ng joint air patrols at intercept training ang Philippine Air Force (PAF) at US Air Force sa West Philippine Sea noong Martes upang palakasin ang kanilang koordinasyon at air domain awareness.
Dalawang FA-50 fighter jets ng Philippine Air Force at dalawang US B1-B bombers ang lumahok sa pagsasanay, na isinagawa sa kanlurang baybayin ng Pilipinas. Ayon kay PAF spokesperson, ang bombers ay nagmula sa isang kalapit na base ngunit hindi dumaan sa bansa.
Napag-alamang kabilang sa ruta ng joint patrol ang Bajo de Masinloc, bahagi ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas ngunit kontrolado ng China mula pa noong 2012.
Bagama’t inaasahan ang posibleng hamon mula sa mga banyagang sasakyang panghimpapawid, tiniyak ng PAF na ang kanilang operasyon ay alinsunod sa international rules-based order at bahagi lamang ng regular na drills at hindi direktang konektado sa tensyon sa rehiyon dahil sa presensya ng mga barko ng China.
Kinumpirma naman ng Philippine Navy na palabas na ng exclusive economic zone ng bansa ngayong araw ang tatlong barkong pandigma ng China na pumasok at naglayag sa dagat ng Pilipinas mula pa noong Sabado. (JESSE KABEL RUIZ)
![](https://saksingayon.com/wp-content/plugins/dp-post-views/images/eyes.png)