(RENE CRISOSTOMO/BERNARD TAGUINOD)
IPINAGPALIBAN ng pinakamalaking samahan ng mga pribadong pagamutan ang pagpapatupad ng “PhilHealth holiday” sa pagpasok ng buwan ng Enero bilang protesta sa patuloy na pagbabalewala ng Philippine Health Insurance Corporation sa obligasyon nito sa kanilang hanay.
Paglilinaw ni Dr. Jose Rene de Grano na tumatayong pangulo ng Private Hospitals Associations of the Philippines Inc. (PHAPI), napagkasunduan ng kanilang kasapiang ipagpaliban ang limang araw na PhilHealth holiday upang bigyang daan ang pagpapakalat sa publiko ng dahilan kung bakit kailangan nilang lumiban sa pagtanggap ng mga PhilHealth member sa kanilang mga pasilidad.
“Ngayon po, kinausap namin ang aming mga miyembro at hindi na po namin ipagpapatuloy ang PhilHealth holiday,” ani De Grano kasunod ng panawagan ng PhilHealth na pag-isipan muna ang paglulunsad ng protestang anila’y dagok sa healthcare services.
Bagamat pansamantalang naawat ang limang araw na PhilHealth holiday, tuloy naman aniya ang pagkalas ng 7 pribadong ospital sa lalawigan ng Iloilo.
“Yung nasa Iloilo na nakapagdesisyon na na kumalas sa PhilHealth, tingin po namin itutuloy nila ‘yan dahil naputol na ang pakikipag-ugnayan nila sa PhilHealth,” sambit pa ng lider ng grupong PHAPI.
Giit ni De Grano, dapat bayaran nang buo ng PhilHealth ang nasa P10 bilyong pagkakautang sa kanilang mga kasaping private hospitals.
Tinatayang P895 million na ang utang ng PhilHealth sa pitong pribadong ospital sa Iloilo City.
Nais umanong bayaran ng PhilHealth ang 80% ng good claims para ma-reconcile ang kanilang record at mabayaran ang natitirang 20%.
UHC Law mababalewala
Dismayado naman si House committee on health chairperson Angelina Tan sa ikinakasang PhilHealth holiday dahil mawawalan aniya ng silbi ang Republic Act No. 11223 o Universal Health Care Act.
“What is now happening, in spite of all the efforts to avoid this outcome, is a total disregard of the fundamental principles that we sought to enshrine in the landmark Republic Act No. 11223, otherwise known as the “Universal Health Care Act,” ayon sa mambabatas.
Aniya, ginawa ang nasabing batas upang magarantiyahan ang kalidad at abot-kayang healthcare sa lahat ng Pilipino at matulungan ang mga ito sa kanilang hospital bills.
Sa ikakasang holiday ayon sa PHAPI, hindi nila ipapasa sa PhilHealth ang bahagi ng hospital bills ng kanilang mga pasyente sa loob ng 5 araw bilang protesta sa patuloy na hindi pababayad ng nasabing state insurer sa kanilang utang.
Nangangahulugan na sasagutin ng mga pasyente ang buong hospital bills kahit sila ay regular members ng PhilHealth.
212
