7 WANTED TIKLO SA PNP-PRO5

SINIMULAN ng PNP Bicol, na pinamumunuan ni PNP-PRO5 Regional Director Jonnel C. Estomo, ang pagpasok ng buwan ng Setyembre sa matagumpay na “all-out” na kampanya kontra wanted persons na nagbunga sa pagkakaaresto sa pito katao sa iba’t ibang panig ng rehiyon.

Sa Zone 4, Brgy. Sto. Domingo, Calabanga, Camarines Sur ay dinampot ng mga tauhan ng Calabanga MPS, Camsur PPO ang tinaguriang rank 6 most wanted person na si Christopher Casaldon y Alto, 22, na may kasong robbery na may piyansang P48,000, at paglabag sa RA 10883 o Anti-Carnapping Act na may piyansang P300,000.

Sa probinsya pa rin ng Camarines Sur, kalaboso ang rank 1 most wanted person sa bayan ng Milaor makaraang arestuhin sa kasong rape na kinilalang si Rico Mahaymay Jr. y Rodriguez, 21, padyak driver. Walang inirekomendang pyansa ang korte para sa nasabing suspek.

Bumagsak din sa kamay ng batas ang rank 1 municipal most wanted person ng Minalabac, Camarines Sur at tinagurian ding rank 6 provincial most wanted person sa nabanggit na probinsya.

Kinilala ang suspek na si Edgar Perez y Sibulo, 47, construction worker, inaresto ng Minalabac MPS at Tracker team ng Cam Sur PPO sa Poblacion, Catbalogan City, Eastern Samar dahil sa kasong paglabag sa RA 9165 o g Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na walang piyansa.

Sa probinsya naman ng Masbate, dalawang wanted person ang hindi nakaalpas sa mga awtoridad makaraang matunton sa Brgy. Ipil, San Fernando ng mga kawani ng San Fernando MPS, Regional Mobile Force Battalion 5 at Philippine Army.

Ang isa ay miyembro ng New People’s Army na rank 1 most wanted person na kinilalang si Romeo delos Santos y Altiche, magsasaka, inaresto sa kasong murder.

Kasunod ang rank 1 most wanted person ng Masbate City na nadakip sa Purok Casili, Brgy. Igang. Kinilala ang suspek na si Francisco y Alberto, 43, laborer, may kasong 5 counts ng qualified rape na walang piyansa.

Samantala, sa probinsya ng Sorsogon, humantong na sa hangganan ang halos dalawang dekadang pagtatago ng rank 1 city most wanted person ng Sorsogon City Police Office.

Natunton at nadakip ang suspek na si Rodolfo Conde Docot sa Brgy. Sta Lucia, Novaliches, Quezon City dahil sa kasong rape.

Sa Camarines Norte, nasakote naman sa Purok 3, Brgy. Itok ang rank 1 municipal most wanted ng bayan ng Capalonga para sa kasong rape na kinilalang si Jay Ochoa, 27-anyos.

Ang nahuling wanted persons ay nasa himpilan na ng pulisya at nakatakdang sumailalim sa dokumentasyon at disposisyon.

“Buong puso ang pagtupad ng kapulisan ng Bicol ng sinumpaan nitong mandato. Bagama’t ang lahat ay naaalarma sa kasalukuyang pandemya ngunit ang PNP Bicol ay pantay ang pagbibigay tuon upang patuloy na matugunan ang suliranin at pangamba sa seguridad sa ating rehiyon.

Nais po muli naming hingin ang suporta at kooperasyon ng bawat isa para ganap na maabot ang isang matiwasay, progresibo at tahimik na komunidad para sa lahat,” pahayag ni P/BGen. Estomo, director ng PNP-PRO5. (JESSE KABEL)

155

Related posts

Leave a Comment