8.1 KG SHABU, 78K MARIJUANA PLANTS NASAMSAM

UMABOT sa 8.1 kilo ng umano’y shabu at mahigit sa 78.800 marijuana plants ang nasamsam sa pinagsanib na anti-narcotics operation ng Philippine Drug Enforcement Agency at iba pang government agency sa inilunsad na 56 high impact operations na nagresulta sa pagkakadakip sa 97 drug personalities sa loob ng nakalipas na linggo.

Ang high-impact operations na inilunsad mula Hulyo 25 hanggang Agosto 1, 2025, ay nagresulta ng pagkasamsam sa 8,196.65 gramo ng shabu (crystalline methamphetamine); 78,800 fully grown marijuana plants at 4,256 gramo ng tuyong dahon ng marijuana; at 52 ecstasy tablets.

Tampok sa week-long nationwide anti-drug operations ang pag-aresto sa 53 drug pushers, 22 drug dens bisita/kliyente, 11 drug den maintainers, at 8 drug den employees; karamihan sa mga naaresto ay resulta ng 48 buy-bust operations.

Naitala ng PDEA ang high-value seizure tulad ng 4.28 kg. ng shabu sa Zambales, 1 kg. sa Lanao del Norte at 701.72 gramo sa Pampanga; marijuana eradication sa Kalinga (CAR) na nagresulta sa pagwasak ng 78,800 marijuana plants.

Binigyang-diin ni PDEA Director General Undersecretary Isagani R. Nerez, “Ang mga nagawa nitong linggong ito ay sumasalamin sa hindi natitinag na pangako ng PDEA na puksain ang salot ng ilegal na droga.

“Patuloy nating paiigtingin ang mga operasyon, hindi lamang mga street-level peddler ang target natin kundi pati na rin ang mga financier at supplier na nagpapalaganap ng droga. Sila ang pakay ng walang humpay na pagsusumikap ng ahensya,” ani Nerez.

“Nangangako ang PDEA na ipagpatuloy ang mga all-out intelligence-driven operations nito laban sa ilegal na droga, at inter-agency collaboration para lansagin ang mga network ng drug trafficking sa buong bansa.”

“Nagtatrabaho kami sa kalidad, hindi sa bilang. Dapat panagutin ng PDEA ang mga supplier ng droga, tiyakin na sila ay dadalhin sa hustisya at mapapasailalim nang buong bigat ng batas. Ito ay hindi lamang tungkol sa istatistika, ito ay tungkol sa dignidad, kaligtasan, at kinabukasan ng bawat Pilipino. Sama-sama tayong lalaban para sa Bagong Pilipinas na walang droga, kung saan pinahahalagahan ang buhay, at kung saan nananaig ang rule of law,” dagdag pa ni DG Nerez.

(JESSE RUIZ)

217

Related posts

Leave a Comment