CAMARINES SUR – Walo katao ang nasugatan nang araruhin ng isang pick-up ang isang tindahan sa gilid ng highway sa bayan ng Del Gallego sa lalawigan.
Nangyari ang insidente bandang alas-2:20 ng hapon noong Sabado sa Barangay Pinagdapian.
Ayon sa imbestigasyon ng Del Gallego Police, nakatulog umano ang nagmamaneho ng itim na Nissan Navara pick-up na si alyas “Laniog”, 42, na noon ay bumibiyahe patungong Naga City.
Nawalan ito ng kontrol sa sasakyan at unang sinalpok ang isang tindahan. Nasugatan ang limang tao na nagpapahinga sa loob nito.
Bukod sa mga nasa tindahan, nasugatan din ang driver ng pick-up at ang dalawa niyang pasahero na sina “MJ”, 36, at ang 6-taong gulang nitong anak na si Nene, parehong taga-Dayangdang, Naga City.
Wasak din ang isang nakaparadang motorsiklo na nahagip din ng pick-up.
Agad na dinala sa ospital ang mga biktima para malapatan ng lunas.
Nahaharap ang driver ng pick-up sa kasong reckless imprudence resulting in multiple physical injuries and damage to properties.
(NILOU DEL CARMEN)
