8 TODAS SA BATANGAS KILLER HIGHWAY

patay

BATANGAS – Walo katao ang patay sa isa na namang aksidente na kinasangkutan ng tatlong sasakyan sa tinaguriang killer highway sa lalawigan, ang Nasugbu-Tagaytay highway, nitong Lunes ng umaga.

Batay sa Batangas Provincial Police office, nangyari ang aksidente dakong alas-4:45 ng umaga sa palusong na bahagi ng highway sa Sitio Lodlod, Barangay Aga, sa bayan ng Nasugbu.

Kinasangkutan ito ng isang dump truck na kargado ng buhangin, isang motorsiklo at isang Mitsubishi Xpander.

Ayon sa imbestigasyon, nawalan ng preno ang truck na patungo sa direksyon ng Nasugbu galing sa Mexico, Pampanga, habang umo-overtake ito sa isang sasakyan.

Nawalan ng kontrol ang driver at sinagasa nito ang fruit stand na nasa gilid ng kalsada bago ito tumagilid sa highway.

Nadaganan naman nito ang dalawang sasakyan na noon ay kasalubong nito.

Agad namatay ang 43-anyos na driver ng motorsiklo na si Eduard Ferrer ng Sta. Rosa, Laguna, gayundin ang 56-anyos na driver ng Xpander na si Hipolito Sangalang at ang anim pang pasahero nito na pawang taga Barangay Sta. Ana, Calatagan, Batangas.

Bahagyang nasugatan din ang driver ng dump truck na si Bren Bryan Constantino, 28, taga San Ildefonso, Bulacan at ang dalawang pahinante nito.

Batay sa tala ng Nasugbu Police, mula noong 2017, hindi bababa sa 15 katao na ang namamatay sa mga nangyaring aksidente sa nasabing lugar partikular sa mga sitio ng Bukaki, Bayabasan at Lodlod, sakop lahat ng Barangay Aga na karamihan ay kinasangkutan ng mga truck na nawawalan ng preno sa mahabang palusong na ito ng highway na nasa pagitan ng Tayutay at Palico Junction na nasa boundary ng bayan ng Nasugbu at Tuy, Batangas. (NILOU DEL CARMEN)

233

Related posts

Leave a Comment