BACOLOD City – Isang octogenarian na lola ang namatay habang nakapila para kumuha ng ayuda sa Barangay Villamonte sa lungsod na ito, noong Huwebes, iniulat ng pulisya nitong Biyernes.
Bigla na lamang umanong hinimatay ang biktimang si Aurelia Magbanua, residente ng Purok Sabes, habang nasa loob ng gym ng nasabing barangay kaugnay sa ayuda ng pamahalaan para sa mga apektado ng coronavirus pandemic.
Lumabas sa pagsisiyasat, masaya umano ang biktima nang magtungo sa gym para kumuha ng ayuda ngunit habang nasa loob ng palaruan ay bigla na lamang itong nawalan ng malay.
Itinakbo ang biktima sa pinakamalapit na pagamutan ngunit binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas.
Sinasabing nakaupo sa priority lane ang biktima kasama ang anak nang mangyari ang insidente. (JESSE KABEL)
