888-M LITRO TUBIG NASASAYANG ARAW-ARAW — SOLON

(NI BERNARD TAGUINOD)

HINDI magkakaroon ng shortage sa tubig sa Metro Manila kung aayusin lamang ng dalawang water concessionaires ang kanilang mga linya dahil 888 million litro umano ng tubig kada araw ang nasasayang.

Ito ang nabatid kay Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas kaya kailangan umanong ayusin ang linya ng tubig ng Manila Water at Maynilad upang hindi magdusa ang kanilang mga customers.

Ayon sa mambabatas, lumalabas sa pag-aaral ng Water for the Peoples Network (WPN) na noong 2018, umaabot sa 888 MLD (million liters a day) ang nasasayang dahil sa mga sirang tubo ng Manila Water at Maynilad.

Mas malaki umano ito kumpara sa 600 MLD na isusupply ng Kaliwa Dam sa Rizal at Quezon na popondohan ng China na ipinipilit na ipatayo ng Duterte administration upang maresolbahan umano krisis sa tubig.

“Ibig sabihin, higit sa sapat ang suplay ng tubig sa Metro Manila at karatig syudad kung aayusin ng Maynilad at Manila Water ang distribusyon. Pilit ginagamit ang forced water crisis para paburan ang mga negosyanteng Instsik na nasa likod ng Kaliwa Dam,” ani Brosas.

Ngayon ay sinimulan ng Maynila at Manila Water ang kanilang rotating interruption sa supply ng tubig dahil nagkukulang na umano ang supply na nakukuha ng mga ito sa Angat Dam.

Ito ay dahil pababa nang pababa ang lebel ng tubig sa Angat Dam dahil sa kakulangan ng ulan sa mga nagdaang mga buwan kailangan ng Manila Water at Maynilad na magpatupad ng water interruption.

Subalit, ayon kay Brosas, hindi mangyayari ang water interruption kung ayusin lang ng dalawang water concessionaires ang leakages sa kanilang mga linya.

Subalit, dahil palpak ang mga ito ay pinagdurusa ang consumers.

306

Related posts

Leave a Comment