Natanggap ko ang sulat na sumbong ng ating kabayani na si Ruvie Deligero dahil diumano ay may karamdaman na nga siya ay pilit pa rin siyang pinagta-trabaho ng kanyang employer.
Si OFW Deligero ay namamasukan bilang kasambahay at nakarating sa Saudi Arabia sa pamamagitan ng J-MAC International Manpower.
Halos bagong dating pa lamang ni OFW Deligero sa magulang ng kanyang orihinal na amo ay aksidenteng nadulas ito sa sahig habang s’ya ay naglilinis. Sa pakiramdam n’ya ay talagang napasama ang kanyang pagkakabagsak, pero tiniis n’ya ito at patuloy na nagtrabaho.
Ngunit makalipas ng isang buwan ay nararamdaman na n’ya ang kirot at matinding pananakit at minsan ay pamamanhid sa kanyang katawan sa may parteng unang bumagsak.
Namamaga rin diumano ang kamay na kanyang naitukod nang siya ay nadulas. Halos hindi na n’ya maikilos ang kanyang kamay at nahihirapan na siyang gampanan ang kanyang trabaho.
Nakiusap si OFW Deligero sa kanyang employer na kung maaari ay ihatid na lamang siya sa kanyang ahensya ngunit nagalit ang magulang ng kanyang employer at siya ay pinagbantaan na ipakukulong na lamang. Sinabihan din siya na kailangan niyang magbayad ng malaking halaga bago s’ya mapahintulutan na bumalik sa kanyang ahensya.
Ngunit dahil sa kanyang pakiusap at pagsumbong sa OWWA ay pinayagan na rin s’ya na makabalik sa kanyang ahensya sa Saudi Arabia. Noong siya ay nasa ahensya ay pilit na kinuha ng ahensya ang kanyang cellular phone.
Sa kanyang ahensya sa Saudi Arabia na Qasur Alta’ Aqud International Recruitment Office ay lalo niyang naranasan ang panggigipit at pananakot.
Si Deligero ay labis na nakikiusap na kung maaari ay matulungan s’ya na makauwi na lamang sa Pilipinas dahil talagang hindi na kaya ng kanyang katawan ang magtrabaho pa.
Ang Ako OFW ay nakikiusap sa J-MAC International Manpower na bigyang pansin ang kahilingan na ito ng ating kabayani. Dapat na siguruhin ang kanyang kaligtasan at kalusugan. (Ako OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)
